Ni:Melody Atilliano | Ang Matuwid
Ni:Melody Atilliano | Ang Matuwid
Isang masakit na epekto ng ganitong sitwasyon ay ang pag-urong ng tiwala sa mga dapat nag-aalaga at nagbibigay sa atin ng proteksyon. Ayon sa isang pag-aaral mula sa Ateneo School of Government, halos 60% ng mga tao ang nagsabi na nawawalan sila ng tiwala sa kapulisan dahil sa mga ulat ng hindi makatarungang pagtrato. Ang pagkasira ng tiwalang ito ay ang nagiging hadlang sa isang makatarungang sistema. Paano tayo makatitiyak na tayo ay ligtas kung ang mga dapat na nagpoprotekta ay nagiging dahilan pa ng takot?
Bilang isang estudyante, ramdam ko ang bigat ng ganitong sitwasyon. Ang mga lider na dapat sana ay nagiging inspirasyon sa amin ay tila nagiging simbolo ng takot at pangamba. Sa halip na hikayatin kaming maging bahagi ng solusyon, pinapakita nila na ang pagsunod sa sistema ay nagdadala lamang ng panganib. Sa mga oras na dapat ay nag-aaral kami, ang mga ganit
Panahon na para tumindig at iparating ang ating hinaing. Ang hustisya ay hindi dapat maging pribilehiyo ng iilan kundi karapatan ng lahat. Nasa ating mga kamay ang pagbabago, at dapat tayong maging boses ng mga biktima. Ang mga kwento ng mga inosenteng buhay ay dapat na ipaglaban, sapagkat sa bawat laban para sa hustisya, may pag-asa tayo na muling mabubuhay ang tiwala sa sistema.ong insidente ay nagdadala ng higit pang katanungan at pangamba. Dapat bang manatili kami sa aming mga upuan at tanggapin ang ganitong kalakaran?
Hustisya ang inaasam ng lahat, ngunit ang ating sistema ay tila kumikiling lamang sa mga nasa kapangyarihan. Ang mga biktima ay hindi dapat maging biktima lang; sila ay mga tao na may mga pangarap at hinanakit. Dapat nating ipaglaban ang kanilang mga kwento at isama ang mga ito sa ating mga panawagan para sa tunay na hustisya. Ang mga kwentong ito ay dapat umabot sa kaalaman ng lahat at hindi dapat manatiling tahimik. Ang mga ganitong karanasan ay dapat magsilbing aral sa ating lahat na ang laban para sa hustisya ay hindi nagtatapos sa mga pahayag kundi sa mga konkretong hakbang.
Hindi na bago sa ating mga tainga ang balitang “nanlaban daw,” ngunit ang mga kwentong ito ay patuloy na nagdudulot ng takot at pag-aalala. Sa ilalim ng administrasyon ng kasalukuyang pamahalaan, ang mga Extrajudicial Killings (EJK), ay naging isang masalimuot na isyu na nagpalala sa ating pagtingin sa hustisya. Sa bawat insidente na nag-uugat mula sa pahayag na ito, unti-unting nawawala ang tiwala sa ating sistema ng hustisya. Paulit-ulit na lang ang ganitong pangyayari, na nagiging simbolo ng isang mas malalim na sistematikong problema. Napakabigat isipin na ang mga inosenteng buhay ay nagiging biktima ng mga salungat na pahayag na walang sapat na ebidensya. Dapat ba tayong manahimik habang unti-unting nauubos ang ating tiwala sa mga awtoridad?
Maraming tao ang natatakot, lalo na’t ang mga biktima ay madalas na kabataan. Ang kwentong “nanlaban daw” ay tila naging palusot na lamang ng mga may kapangyarihan upang masabing may katwiran ang kanilang mga aksyon. Ayon sa mga ulat mula sa Human Rights Watch, marami sa mga biktima ng “nanlaban” ang walang kasalanan at hindi dapat napahamak. Sa mga pahayag ng mga nakaligtas sa ganitong karanasan, lumalabas na hindi lahat ng sinasabing may kaugnayan sa droga ay talagang kasangkot dito. Naniniwala ako na ang mga ganitong pangyayari ay nagdudulot ng pag-aalala sa ating mga tinitirahan, kung saan ang mga tao ay hindi na makatiyak sa kanilang kaligtasan. Ang mga kwentong ito ay nagiging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.
Mary Imma Dano | Ang Matuwid
“Walang kinikilingan, walang pinoprotektahan at serbisyong totoo lamang.” iyan ang dapat taglayin ng isang tao pero iba na ngayon dahil hindi na mabilang sa daliri ang mga bayarang nasa itaas na nasa likod ng batas at hindi na rin mabilang ang mga taong kriminal na hindi naghirap at nanagot sa kanilang mga kasalanan. Ganito na ba kabulok ang ating sistema?
Noon sa New Bilibid Prison (NBP) may mga ‘Very Important Preso (VIP)’ na nakalalabas ng kulungan at nagagawa ang anumang gustuhin nila. May sariling sasakyan at may mga bodyguard pa. Kahit anong gustuhin ng VIP, pwede dahil may pera. Ang pera ay nakasisilaw. Ito ay makapangyarihan. Kapag may pera at maimpluwensya, kayang-kaya tapalan ang mga jail guards at jail officials para makalabas. Nangyari na ang ganito noon at maaaring nangyayari pa rin hanggang ngayon sa mga bilangguan sa bansa. Nito lamang si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Founder Apollo Quiboloy ay pinayagan ng Pasig Regional Trial Court na palawigin ang medical furlough hanggang ika-7 ng Nobyembre, taong 2024. Ayon sa korte, kailangan ang masusing medical examination kay Quiboloy dahil sa irregular heartbeat nito. Bukod dito, may problema rin daw sa ito sa ngipin. Sinabi ng abogado ni Quiboloy na si Atty. Israelito Torreon na may mga medical test pang isasagawa sa kanyang kliyente. Maluwag ang trato kay Quiboloy pero taliwas ito sa nararanasan ng iba pang preso na mahihirap. Ang iilan pa nga ay namamatay nalang sa kulungan na hindi na naisasailalim sa medical examinations at iba pang diagnosis. Iba talaga ang trato kapag VIP na makapangyarihan at may impluwensiya.
Ika-8 ng Setyembre nang maaresto si Quiboloy dahil siya ay nahaharap sa patong-patong na kaso na sexual abuse at human trafficking, at may kinakaharap na kasong sexual trafficking sa United States. Nakakapagtaka na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nananagot at napaparusahan. Hindi pa rin nakakamit ang hustisya para sa mga biktima ni Quiboloy, nananatili silang luhaan at uhaw sa hustisya. Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) ang mga umano'y pang-aabuso na sinapit ng mga biktimang menor de edad sa kamay ni Quiboloy. Ayon sa mga biktima, natakot silang magsumbong dahil sila raw ay tutugisin ng "Angels of Death.” Takot at pasakit ang naidulot ni Quiboloy sa kaniyang mga biktima. Ang mga ebidensya at kasong kaniyang kinakaharap ay sapat na para siya ay managot pero si Quiboloy ay nanatiling pasarap sa buhay at magaan pa ang trato sa kanya sa rehas kahit na napakabigat ng kanyang mga kaso.
Kahit na mabigat ang mga kaso ni Quiboloy ay marami pa rin ang sumusuporta sa kaniya, kabilang dito ang milyon-milyong miyembro ng KOJC. Dagsa ang kaniyang mga fans sa Tiktok, Instagram at Facebook. Marami ang nagsasabi na wala naman siyang kasalanan kahit na napakaraming ebidensya at testigo na siya ay nagkasala. Mukhang tuluyan nang nalason ang kanilang mga utak kaya kahit nasa harapan na nila ang katotohanan ay hindi pa rin nila makita. Hindi dapat natin malimutan at balewalain ang mga menor de edad niyang biktima na nawalan ng kinabukasan dahil sa kanyang pang-aabuso. Marapat lamang na hindi natin suportahan ang isang kriminal. Hindi makatarungan at makatao ang ginawa niya.
Ni: Marc Benjamin Balanay | Ang Matuwid
Sa gitna ng malalakas na hangin at masungit na panahon, isang kuwago ang humarap sa pinakamadilim na bahagi ng kaniyang buhay, isang kuwentong hindi lamang naglalarawan ng pagkawala kundi pati na rin ng isang laban. “Isang Kaibigan” ang aklat na mula kay Bise Presidente Sara Duterte, isang kuwentong sumasalamin sa pagdurusa, kung saan ang isang ibon ay nawalan ng tahanan at mga kaibigan sa gitna ng unos. Subalit sa kaniyang paglalakbay, natagpuan niya ang magsisilbing liwanag sa gitna ng dilim sa anyo ng isang mabait na loro, na nagturo sa kaniya ng tunay na halaga ng pakikipagkapwa at pagkakaibigan. Kung ihahalintulad sa mga mamayang pilipino si kuwago, sa realidad ay walang susulpot na mabuting loro upang tulungan siya sa gitna ng unos. Mas malaki pa ang tsansa na malamon siya ng mabangis na lobong nag-aanyong isang tunay na kaibigan na nasa senado mismo.
Ang libro ni Duterte na “Isang Kaibigan” ay naglalaman ng 16 na pahina, puno ng makukulay na guhit mula kina Janina Simbillo at Joseph Caligner. Sa kabilang banda, tumataginting ng halagang ₱10 milyong pisong badyet ang hinihingi ng Office of the Vice President (OVP) para sa paglilimbag ng dalawang daang libong kopya ng naturang libro. Agad itong umani ng samu’t saring atensyon mula sa taumbayan. Palaisipan kung tunay na katanungan ay sulit nga ba talaga ang pondong buwis na gagastusin para rito, lalo na kung ikukumpara ang presyo sa kalidad ng libro.
Bilang isang mag-aaral ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS) na nakabasa na ng librong ito, tutol ako sa hinihinging badyet na sampung milyong piso para sa isang akdang punung-puno ng mga kamalian sa katotohanan, mga pagkakamaling gramatikal, at pati na rin ang hinihinalang pangongopya ng ideya sa ibang may-akda ay isa rin sa mga kapansin-pansing kamaliang lumulutang sa libro.
Ang konsepto ng “Isang Kaibigan” ay tila kinopya, isa sa mga dahilan kung bakit hindi ako sang-ayon sa paggastos ng pera ng taumbayan para sa librong hindi naman pala orihinal. Sa pagsusuri ni Ninotchka Rosca, isang kilalang manunulat sa Pilipinas, may pagkakahawig ang “Isang Kaibigan” sa graphic novel na “Owly: Just a Little Blue” ng Amerikanong manunulat na si Andy Runton. Sa nobelang ito, tampok ang kuwago bilang pangunahing karakter na nagtuturo ng halaga ng pagkakaibigan at kabutihan.
Kung ang Bise Presidente ay tunay ngang nangopya, maaaring magdala ito ng maling halimbawa sa mga estudyante, partikular na sa ating paaralan, na ayos lang pala ang mangopya at manggaya ng likha ng iba. Subalit ito ay mali at may karampatang parusa ayon sa Saligang Batas Blg. 8293, na kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines, na naglalayong magbigay ng mga parusa sa sinumang susuway sa mga karapatan ng may-ari, kabilang ang mga kaso ng plagiarism at iba pang anyo ng paglabag sa intelektwal na ari-arian.
Bukod dito, talamak din ang mga kamalian sa libro. Ayon kay Jayson Petras, direktor ng Unibersidad ng Pilipinas Sentro ng Wikang Filipino (SWF), ang ilang kakulangan sa katotohanan at pagkakamaling gramatikal, tulad ng paggamit ng salitang "banahaw" sa halip na dahon ng "anahaw." Wala rin namang pugad ng kuwago ang nakapatong sa sanga, tulad ng nababanggit sa libro ni Bise Presidente Sara Duterte. May malaking tsansa na hindi maintindihan ng mga batang babasa ng libro ang mga salitang nakasulat dito dahil limitado pa ang kanilang bokabularyo. Dagdag pa, maaari rin itong magdulot ng kalituhan sa kanilang pag-unawa sa mga konseptong tinatalakay, kaya dapat isaalang-alang ang paggamit ng mas simpleng wika upang mas madaling maabot ng mga batang mambabasa ang mensahe ng akda.
Nakakatawa’t nakakalungkot nga na sa likod ng libro’y nakabalandra pa ang mukha ng Bise Presidente na tila siya ang nagbigay ng pondo para sa libro. Binansagan niya pa ang sarili na “isang tunay na kaibigan”. Tila naging kampanya ang naging atake niya sa kabila ng katotohanan na yaman ng taumbayan ang kaniyang ginasta. Bumugso ang pagdududa ng senado at taumbayan sa totoong intensyon ng Bise—isang hudyat upang mamulat ang lahat.
Ang sampung milyong pisong badyet na hinihingi ni Bise Presidente Sara Duterte ay hindi sulit dahil sa mababa nitong kalidad at ang kaalaman na maibabahagi nito sa kabataan dahil sa gulo ng istruktura nito. Talagang labis na nakababahala sa mga alegasyon, kakulangan, pagkakamali, at tunay na intensyon sa nasabing aklat. Ang mga pagkakamaling ito, mula sa plagiarismo hanggang sa mga teknikal na pagkakamali, ay maaaring magdulot ng maling halimbawa sa mga estudyante at kahirapan ng mga batang mambabasa na maintindihan ang mensahe nito dahil sa gulo ng istraktura ng mga salitang nakalagay dito.
Dapat ay muling suriin ni Bise Presidente Duterte ang mga nilalaman at hindi gawing daan ang libro ng kabataan upang palaganapin ang sariling interes. Kailangan natin ng lider na maituturing na isang tunay na kaibigan. Isang kaibigang loro na matatakbuhan ng mga pilipino na gaya ng kuwago sa kwento. Ngayon pa lang, dapat ay maging mapagmatsag na mula sa mabangis na lobong nag-aanyong mabuting loro.
Chrizalyn Almaiz | Ang Matuwid
“Ang salita ay parang mga bala, kapag lumabas na, hindi na mababawi pa.”
Hindi na dapat tanggapin ang pambubulas. Hindi na dapat balewalain ang sigaw ng mga biktima nito. Hindi na dapat hayaang magpatuloy pa ang pananakit at pang-aapi sa mga kabataan gamit ang masasakit na salita. Ang pasalitang pambubulas ay isang sakit na kailangang gamutin, isang sugat na dapat pagalingin, lalo na rito sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS). Kahit saan ka pumaroon, maririnig mo ang masasakit na salita sa bawat sulok ng eskwelahan. Kinakailangang harapin natin ang lumalalang problema ng pasalitang pambubulas na nagdudulot ng matinding pinsala, hindi lamang sa emosyonal na aspekto kundi pati sa mental na kalusugan ng mga mag-aaral.
Sa kabila ng Anti-Bullying Act of 2013, patuloy pa rin ang pasalitang pambubulas dahil sa pagbubulag-bulagan, pagkapipi’t bingi ng mga saksi at biktima. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan ang mga biktima ng pambubulas ngunit tila isang kabalintunaan ang maituturing dahil nang ito’y ipinatupad ay lalo pang tumaas ang mga kaso ng pasalitang pambubulas, lalo na online. Ayon sa isang pag-aaral, halos 80% ng kabataan sa Pilipinas ay nakaranas ng pasalitang pambubulas online. Ang mga salitang pang-aapi ay nagdudulot ng matinding sakit at kahihiyan na nagtutulak sa mga biktima na mawalan ng gana sa buhay. Kasama na rito ang posibilidad ng pagpapakamatay ng isang indibidwal. Ilang salita lang, mayroon nang matinding epekto sa tao—biruin mo ’yon? Bilang isa sa mga nakaranas ng pasalitang pambubulas, isa ako sa mga nagpapatunay na malakas ang epekto ng mga salita sa buhay ng tao. Dahil sa mga salitang iyon, pinanghinaan ako ng loob at nawalan ako ng ganang mabuhay. Mga salitang dinurog ako at pinira-piraso. Dahil sa matinding dalamhati, dumating na rin sa punto ng buhay ko na gusto ko itong wakasan.
Pagkawala ng kumpiyansa sa sarili ang isa sa matinding epekto ng pasalitang pambubulas. Tumingin tayo sa halimbawa ni Baby Jake E. Carual, isang mag-aaral ng JFBSHS. Ayon sa kanya, malaki ang naging epekto nito sa kanyang pagkatao. Siya ay pinagsalitaan ng mga hindi kaaya-ayang salita. Kinutya siya at sinabihang mukhang baboy at balyena dahil sa pagiging mataba nito. Bilang epekto, tuwing siya ay pinapakain ng kanyang ina, kaunti lamang ang kinakain nito upang mapigilan ang kanyang paglaki. Nagsimula rin siyang mag-ehersisyo upang mabawasan ang kanyang timbang. Dumating din sa puntong kinamuhian niya ang kanyang sarili. Mga salitang hindi basta salita lang. Ang bawat tao o kahit sinong kabataan ay may nararamdaman. Hindi magandang maging masama laban sa kanila sa pamamagitan ng pagbabato ng mga hindi magandang salita.
Dito sa JFBSHS, nararanasan din ng mga mag-aaral ang pasalitang pang-aapi sa loob ng mga silid-aralan. Katulad na lamang ng mga salitang, “Ang pangit mo,” at “Bakit ka pa nabuhay?” Ang mga ito ay tila mga lason na unti-unting pumapatay sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Maraming kabataan ngayon ang nawawalan ng kumpiyansa dahil sa mga salitang naririnig nila.
Dito sa JFBSHS, nararanasan din ng mga mag-aaral ang pasalitang pang-aapi sa loob ng mga silid-aralan. Katulad na lamang ng mga salitang, “Ang pangit mo,” at “Bakit ka pa nabuhay?” Ang mga ito ay tila mga lason na unti-unting pumapatay sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Maraming kabataan ngayon ang nawawalan ng kumpiyansa dahil sa mga salitang naririnig nila. Hanggang kailan ba hahayaan ang pambubulas? Kapag lalo pang tumaas ang bilang nito? Kaya naman, tayong mga estudyante ay dapat na mag-ingat sa bawat salitang pinapakawalan dahil maaaring hindi natin namamalayang nakasasakit na pala tayo.
Sa mga nararanasan ng mga mag-aaral na pambubulas, maganda ang naging tugon at aksyon ng paaralang JFBSHS. Nagsagawa at nakiisa sila sa Anti-Bullying Campaign na isinagawa noong Agosto 2024 na pinangunahan ng mga guro sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao. Magandang nabawasan ang mga kaso ng bullying ngunit mas maganda kung wala na talagang nangyayaring pambubulas sa paaralan. Kaya nararapat lamang na ang bawat isa ay makiisa na wakasan ang pambubulas. Isang pag-atake sa buong pagkatao ng isang indibidwal ang pasalitang pambubulas—hindi ito biro lamang. Hindi ito simpleng salita lang. Maaaring isipin ng iba, “Sus, ’yon lang naman, nasaktan ka na,” sa kanila ay maaaring maliit na bagay lang ito, ngunit sa taong pinagsabihan nila, maaaring maging malaking sugat ito sa kalooban. Ang mga biktima ng pasalitang pambubulas ay madalas na nagiging tahimik, nagtatago sa kanilang mga silid, at nag-iisip kung ano bang mali sa kanila. Ang mga salita ng pang-aapi ay nag-iiwan ng matinding sakit at kahihiyan. Isang beses lang maaaring sabihin, ngunit natatatak sa isipan ng biktima ang mga sinabi hanggang sa kanilang paglaki. Dito natin makikita ang kapangyarihan ng mga salita.
Kailangan nating magising. Kailangan nating labanan ang pasalitang pambubulas. Simulan natin muli ang pagbabago. Mahalagang magsimula pa lang sa bahay ay disiplinado na ang mga kabataan. Dapat na turuan natin ang mga anak na igalang ang bawat isa at ipakita sa kanila na ang mga salita ay may kapangyarihan na magpagaling o makapangwasak. Walang mangyayari kung walang magiging aksyon. Dapat ngayon pa lang, ipalaganap na ang kamalayan sa pasalitang pambubulas. Ang mga guro at lider ng paaralan dapat magpatupad ng mga programa at patakaran ukol sa pasalitang pambubulas, ipaliwanag na ang bawat salita ay may matinding epekto sa isang indibidwal nang sa gayon ay maitaguyod ang isang ligtas at mapagmahal na kapaligiran para sa lahat ng mag-aaral. Sa mga nambubulas naman na kabataan diyan, wala na ba kayong ibang magawa? Bakit hindi n’yo pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad sa inyong mga sarili? Subukan n’yo naman maging isang mabuting indibidwal. Magbago na kayo’t wala kayong magandang naidudulot sa paaralan kundi pasakit at problema lamang.
Hindi lamang isang tugon sa aksyon ang paglaban sa pasalitang pambubulas, kundi isang panawagan para sa pagbabago. Makapangyarihan ang mga salita at kailangan nating gamitin ang kapangyarihang ito para sa kabutihan. Ang mga biktima ng pasalitang pambubulas ay nararapat na mabigyan ng katarungan, at kailangan nating magsama-sama upang wakasan ang pananakit at pang-aapi.
Mary Imma Dano | Ang Matuwid
'ID check!' Iyan ang usong salita ngayon sa aming mga mag-aaral ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS). Paano ba naman, hindi ka makakapasok ng paaralan kung wala kang school identification (ID) card. Pero mabuti nga ba ito para sa mga estudyante at guro?
'Disiplina ang pundasyon ng tagumpay.' Ito ay matapos ipatupad ang “No Identification, No Entry” policy nitong ika-7 ng Oktubre, taong 2024, sa JFBSHS para sa aming mga estudyante. Ito ay naglalayong matukoy ang pagkakakilanlan naming mga mag-aaral, magdulot ng kapayapaan at kaligtasan para sa mga estudyante at mga guro. Ito ay magiging daan sa tagumpay ng bawat isa na maging disiplinado at organisado gayundin sa kaayusan ng paaralan.
Paano naman ang mga walang ID? Hindi ba sila makakapasok ng paaralan?
Mahigpit na ipinapatupad ng JFBSHS ang No ID, No Entry policy. Ayon sa guwardiya na nangangasiwa sa pagpapatupad ng patakaran, hindi sila nagpapapasok ng estudyante hangga’t wala itong suot na ID. Anuman ang dahilan at pagpapalusot na ginagawa ng mga kapwa ko mag-aaral ay hindi ito umuubra sa mga guwardiya dahil isinasaalang-alang nila ang seguridad ng paaralan. Sa paghihigpit na ito, matututo kaming mga estudyante na disiplinahin ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng ID. Magdudulot din ito ng kaligtasan para sa mga guro. Isa ito sa mga paraan upang maiwasan ang pagpasok ng mga taong may hindi magandang intensiyon na magdudulot ng kaguluhan at kapahamakan.
Ano kaya ang reaksyon ng mga guro at mag-aaral na tulad ko sa patakarang ito?
Pahayag ng isang guro mula sa baitang sampu na si Gng. Liezl Morales Acal, sang-ayon siya sa pagpapatupad ng patakaran na No ID, No Entry dahil ito raw ay para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga estudyante at ng kaniyang mga kapwa guro. Sinabi rin niya na naipamahagi naman na ang lahat ng mga ID para sa mga estudyante kaya inaasahan niya na ang lahat ay may maisusuot na ID. Mula naman sa isang mag-aaral sa baitang sampu na si Claire Bobis, sumasang-ayon din siya sa pagpapatupad ng No ID, No Entry dahil bilang isang estudyante, nais niyang masiguro ang kaniyang kaligtasan. Mas ginaganahan din daw siyang pumasok kung organisado at disiplinado ang mga mag-aaral at walang kaguluhan sa kaniyang paaralan. Maganda ang layunin ng pagpapatupad ng No ID, No Entry dahil ito ay pamamaraan para mabigyan ng proteksyon ang mga tao sa paaralan, tulad ng mga estudyante at guro. Hinahasa rin ng patakarang ito ang pagiging disiplinado at responsableng mag-aaral.
Halo-halong emosyon naman ang nararamdaman ng mga estudyanteng bumabalik sa kanilang mga bahay dahil naiwan nila ang kanilang ID. Nagagalit sila dahil hindi man lang daw magkaroon ng konsiderasyon, ngunit sila rin ay nagpapakumbaba dahil aminado sila na kasalanan nila kung bakit sila hindi makakapasok. Paliwanag ng guwardiya, hindi sila matututo kung lagi silang pagbibigyan. Babaliwalain lamang nila ang patakaran. Mula rito, matututo sila sa kanilang pagkakamali at mas mapayayabong nila ang kanilang sarili na maging isang mabuting mag-aaral. Kaming mga estudyante ay matututo na kilalanin ang kahalagahan ng pagkakakilanlan at pagiging responsable.
Sa pagpapatupad ng patakarang No ID, No Entry, matitiyak na ang mga pumapasok sa paaralan ay may awtorisasyon. Maiiwasan ang mga taong may masamang intensiyon na makapasok, gayundin ang mga hindi kanais-nais na gawain sa loob ng paaralan. Para sa aming mga estudyante, matututo kami sa kahalagahan ng seguridad, proteksyon, at pagsunod sa mga patakaran. Kami ay magiging organisado, disiplinado, at responsableng mag-aaral. Mapabubuti rin nito ang aming pag-uugali dahil matututo kaming magpakita ng mabuting asal at disiplina sa paaralan.
Sa paglalahat, magdudulot ito ng kapanatagan sa mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan sa aspeto ng seguridad at kaayusan. Kaya naman, ang patakarang No ID, No Entry ay isang responsibilidad na dapat tugunan at sundin naming mga mag-aaral at hindi isnabin.
Chrizalyn Almaiz | Ang Matuwid
“Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” - John 8:32
Katotohanan ang susi sa nakakandadong pinto patungo sa kalayaan. Isang biyaya ang makilala ang katotohanan ngunit sa Pilipinas, ang pagsasalita ng katotohanan ay maaaring magdulot ng kamatayan. Patuloy ang pagpaslang sa mga mamamahayag na tagapaghatid ng katotohanan, at isa sa mga biktima si Maria Vilma Rodriguez na pinaslang noong ika-25 ng Oktubre ngayong taon. Siya ay binaril sa isang tindahan sa Brgy. Tumaga, Zamboanga City, at nagtamo ng maraming tama sa iba't ibang parte ng kanyang katawan. Mabilis na tumakas ang suspek matapos gawin ang krimen. Ang dugo ng mga tagapaghatid ng katotohanan ay hindi dapat masayang. Ang kanilang mga kamatayan ay dapat mag-udyok sa atin, hindi sa takot, kundi sa galit—galit na magtutulak sa atin upang ipaglaban ang ating mga karapatan, upang ipaglaban ang katotohanan, upang ipaglaban ang kalayaan. Managot ang may sala at panagutan ang bawat pagdanak ng dugo ng mga tagapagdala ng katotohanan.
Tinatayang nasa 199 na mamamahayag ang pinatay dahil sa kanilang trabaho bilang mga journalist. Ang pagpatay ay nagsimula pa noong 1986, at hanggang ngayon ay patuloy na nadadagdagan at walang nangyayaring pagbabago. Bakit tila ba bingi ang pamahalaan at walang ginagawang aksyon? Bakit tila nagkukubli sila sa dilim, takot na makita ang kanilang sariling anino? Ayaw ba nilang malaman ng madla kung gaano sila kabulok, kung gaano sila kawalang-hiyaan? Sa likod ng maamo at matulunging mukha, demonyo pala? Ang pamahalaan, sa halip na protektahan ang mga naghahanap ng katotohanan, ay tila duwag at nagtatago sa likod ng kanilang mga kapangyarihan, nagtatago sa likod ng kanilang mga kasinungalingan. Panahon na para magising ang mga tao, para ipaglaban ang katotohanan. Umaksyon naman nawa ang pamahalaan—bigyang proteksyon ang bawat mamamahayag at ibigay ang nararapat na hustisya kung sila nga ay walang tinatago at hindi takot sa sariling anino.
Ang pagkamatay ni Rodriguez ay hindi trahedya kundi isang pag-atake sa ating kalayaan. Ang dugo ng mga mamamahayag ay nagsisilbing panawagan para sa hustisya, hindi sa takot. Ang kanilang mga kamatayan ay hindi dapat masayang. Ang mga mamamahayag ay hindi dapat tumahimik, kundi dapat mag-ingay. Ang kanilang mga boses ay dapat umalingawngaw, ang kanilang mga panulat ay dapat magdugo, ang kanilang mga katotohanan ay dapat mag-apoy. Ang ating demokrasya ay nakasalalay sa kanila, at ang kanilang kalayaan ay ang ating kalayaan. Panahon na para ipaglaban ang ating karapatan, para ipaglaban ang katotohanan, para ipaglaban ang kalayaan. Hindi na tayo dapat mag-atubili, hindi na tayo dapat mag-alinlangan. Ang ating mga kaaway ay naghihintay, at hindi sila mag-aatubiling patayin tayo. Kaya't lumaban tayo—lumaban tayo hanggang sa huli.
Dapat ay matalas ang ating panulat at malakas ang ating boses. Bilang mga campus journalist ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS), hindi natin dapat balewalain ang mga pangyayaring ito. Tayo ay nasa unahan ng pagbabago at mga tagapagdala ng boses ng mga kabataan. Ang ating mga panulat ay isang makapangyarihang sandata sa paghahanap ng katotohanan at pagtatanggol sa katarungan. Ang mga mamamahayag na pinaslang ay dapat magsilbing inspirasyon sa atin upang huwag tumigil sa pagpapahayag ng katotohanan. Mahalaga ang tungkuling ito kahit pa mapanganib; kaya’t hindi tayo dapat magpadala sa takot sa pagtindig para sa katotohanan.
Sa kabila ng mga hamon, may pag-asa. Ang pagkamatay ay hindi dapat maging dahilan ng ating katahimikan. Ang ating mga lider na piniling mamuno para sa isang maayos na bansa ay hindi dapat mag-atubiling protektahan ang mga mamamahayag at ang kanilang karapatan sa pag-ulat ng katotohanan. Hindi dapat magkaroon ng lugar ang pangamba sa ating mga puso, at walang alinlangan sa ating mga isip. Ang ating tungkulin ay malinaw—ang hamunin ang kamalian at ihayag ang katotohanan. Ipaglaban natin ang pamamahayag, ipaglaban natin ang karapatan, ipaglaban natin ang katotohanan.
Sa huli, ang laban para sa kalayaan sa pamamahayag ay laban ng lahat. Hindi ito nakasalalay lamang sa mga mamamahayag kundi sa bawat isa sa atin. Magsalita tayo, kumilos tayo, at ipaglaban ang nararapat. Ang ating boses ay may kapangyarihan; gamitin natin ito upang ipakita ang lakas ng ating pagkakaisa at ang pagtindig para sa katotohanan. Katotohanan ang daan sa kalayaan; kalayaan ang daan tungo sa katotohanan.