Chrizalyn Almaiz | Ang Matuwid
“Ang salita ay parang mga bala, kapag lumabas na, hindi na mababawi pa.”
Hindi na dapat tanggapin ang pambubulas. Hindi na dapat balewalain ang sigaw ng mga biktima nito. Hindi na dapat hayaang magpatuloy pa ang pananakit at pang-aapi sa mga kabataan gamit ang masasakit na salita. Ang pasalitang pambubulas ay isang sakit na kailangang gamutin, isang sugat na dapat pagalingin, lalo na rito sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS). Kahit saan ka pumaroon, maririnig mo ang masasakit na salita sa bawat sulok ng eskwelahan. Kinakailangang harapin natin ang lumalalang problema ng pasalitang pambubulas na nagdudulot ng matinding pinsala, hindi lamang sa emosyonal na aspekto kundi pati sa mental na kalusugan ng mga mag-aaral.
Sa kabila ng Anti-Bullying Act of 2013, patuloy pa rin ang pasalitang pambubulas dahil sa pagbubulag-bulagan, pagkapipi’t bingi ng mga saksi at biktima. Ang batas na ito ay naglalayong protektahan ang mga biktima ng pambubulas ngunit tila isang kabalintunaan ang maituturing dahil nang ito’y ipinatupad ay lalo pang tumaas ang mga kaso ng pasalitang pambubulas, lalo na online. Ayon sa isang pag-aaral, halos 80% ng kabataan sa Pilipinas ay nakaranas ng pasalitang pambubulas online. Ang mga salitang pang-aapi ay nagdudulot ng matinding sakit at kahihiyan na nagtutulak sa mga biktima na mawalan ng gana sa buhay. Kasama na rito ang posibilidad ng pagpapakamatay ng isang indibidwal. Ilang salita lang, mayroon nang matinding epekto sa tao—biruin mo ’yon? Bilang isa sa mga nakaranas ng pasalitang pambubulas, isa ako sa mga nagpapatunay na malakas ang epekto ng mga salita sa buhay ng tao. Dahil sa mga salitang iyon, pinanghinaan ako ng loob at nawalan ako ng ganang mabuhay. Mga salitang dinurog ako at pinira-piraso. Dahil sa matinding dalamhati, dumating na rin sa punto ng buhay ko na gusto ko itong wakasan.
Pagkawala ng kumpiyansa sa sarili ang isa sa matinding epekto ng pasalitang pambubulas. Tumingin tayo sa halimbawa ni Baby Jake E. Carual, isang mag-aaral ng JFBSHS. Ayon sa kanya, malaki ang naging epekto nito sa kanyang pagkatao. Siya ay pinagsalitaan ng mga hindi kaaya-ayang salita. Kinutya siya at sinabihang mukhang baboy at balyena dahil sa pagiging mataba nito. Bilang epekto, tuwing siya ay pinapakain ng kanyang ina, kaunti lamang ang kinakain nito upang mapigilan ang kanyang paglaki. Nagsimula rin siyang mag-ehersisyo upang mabawasan ang kanyang timbang. Dumating din sa puntong kinamuhian niya ang kanyang sarili. Mga salitang hindi basta salita lang. Ang bawat tao o kahit sinong kabataan ay may nararamdaman. Hindi magandang maging masama laban sa kanila sa pamamagitan ng pagbabato ng mga hindi magandang salita.
Dito sa JFBSHS, nararanasan din ng mga mag-aaral ang pasalitang pang-aapi sa loob ng mga silid-aralan. Katulad na lamang ng mga salitang, “Ang pangit mo,” at “Bakit ka pa nabuhay?” Ang mga ito ay tila mga lason na unti-unting pumapatay sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Maraming kabataan ngayon ang nawawalan ng kumpiyansa dahil sa mga salitang naririnig nila.
Dito sa JFBSHS, nararanasan din ng mga mag-aaral ang pasalitang pang-aapi sa loob ng mga silid-aralan. Katulad na lamang ng mga salitang, “Ang pangit mo,” at “Bakit ka pa nabuhay?” Ang mga ito ay tila mga lason na unti-unting pumapatay sa kanilang pagpapahalaga sa sarili. Maraming kabataan ngayon ang nawawalan ng kumpiyansa dahil sa mga salitang naririnig nila. Hanggang kailan ba hahayaan ang pambubulas? Kapag lalo pang tumaas ang bilang nito? Kaya naman, tayong mga estudyante ay dapat na mag-ingat sa bawat salitang pinapakawalan dahil maaaring hindi natin namamalayang nakasasakit na pala tayo.
Sa mga nararanasan ng mga mag-aaral na pambubulas, maganda ang naging tugon at aksyon ng paaralang JFBSHS. Nagsagawa at nakiisa sila sa Anti-Bullying Campaign na isinagawa noong Agosto 2024 na pinangunahan ng mga guro sa asignaturang Edukasyon sa Pagpapakatao. Magandang nabawasan ang mga kaso ng bullying ngunit mas maganda kung wala na talagang nangyayaring pambubulas sa paaralan. Kaya nararapat lamang na ang bawat isa ay makiisa na wakasan ang pambubulas. Isang pag-atake sa buong pagkatao ng isang indibidwal ang pasalitang pambubulas—hindi ito biro lamang. Hindi ito simpleng salita lang. Maaaring isipin ng iba, “Sus, ’yon lang naman, nasaktan ka na,” sa kanila ay maaaring maliit na bagay lang ito, ngunit sa taong pinagsabihan nila, maaaring maging malaking sugat ito sa kalooban. Ang mga biktima ng pasalitang pambubulas ay madalas na nagiging tahimik, nagtatago sa kanilang mga silid, at nag-iisip kung ano bang mali sa kanila. Ang mga salita ng pang-aapi ay nag-iiwan ng matinding sakit at kahihiyan. Isang beses lang maaaring sabihin, ngunit natatatak sa isipan ng biktima ang mga sinabi hanggang sa kanilang paglaki. Dito natin makikita ang kapangyarihan ng mga salita.
Kailangan nating magising. Kailangan nating labanan ang pasalitang pambubulas. Simulan natin muli ang pagbabago. Mahalagang magsimula pa lang sa bahay ay disiplinado na ang mga kabataan. Dapat na turuan natin ang mga anak na igalang ang bawat isa at ipakita sa kanila na ang mga salita ay may kapangyarihan na magpagaling o makapangwasak. Walang mangyayari kung walang magiging aksyon. Dapat ngayon pa lang, ipalaganap na ang kamalayan sa pasalitang pambubulas. Ang mga guro at lider ng paaralan dapat magpatupad ng mga programa at patakaran ukol sa pasalitang pambubulas, ipaliwanag na ang bawat salita ay may matinding epekto sa isang indibidwal nang sa gayon ay maitaguyod ang isang ligtas at mapagmahal na kapaligiran para sa lahat ng mag-aaral. Sa mga nambubulas naman na kabataan diyan, wala na ba kayong ibang magawa? Bakit hindi n’yo pagtuunan ng pansin ang pagpapaunlad sa inyong mga sarili? Subukan n’yo naman maging isang mabuting indibidwal. Magbago na kayo’t wala kayong magandang naidudulot sa paaralan kundi pasakit at problema lamang.
Hindi lamang isang tugon sa aksyon ang paglaban sa pasalitang pambubulas, kundi isang panawagan para sa pagbabago. Makapangyarihan ang mga salita at kailangan nating gamitin ang kapangyarihang ito para sa kabutihan. Ang mga biktima ng pasalitang pambubulas ay nararapat na mabigyan ng katarungan, at kailangan nating magsama-sama upang wakasan ang pananakit at pang-aapi.