Chrizalyn Almaiz | Ang Matuwid
Nakakapagod na! Nakakapagod nang makita ang tagumpay bilang isang numero, isang marka, isang titulo, o isang halaga sa bangko.
Sa ating lipunan, sa paghahangad nitong bilangin ang lahat, nakulong tayo sa isang kulungan ng mga numero, na nag-aalis sa atin ng tunay na kahulugan ng ‘tagumpay’. Dito sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS), ang pagtugis sa mataas na marka ay nagiging dahilan ng pagsasantabi ng pagtulog, pagkain, at halos walang pahinga para sa mga estudyante. Sa halip na pag-unawa at pag-unlad, nagiging pangunahing layunin ang pagkakaroon ng mataas na marka. Tila nakakalimutan na ng mga kabataan ang tunay na kahulugan ng tagumpay. Ang pagiging pinakamataas sa mga pagsusulit ay hindi sapat na batayan upang mapatunayan na ikaw ay matagumpay. Kailangan nating tingnan ang mas malawak na larawan ng pag-unlad ng tao.
Patuloy ang pagbaba ng Pilipinas sa mga resulta ng isinasagawang Programme for International Student Assessment. Sa asignaturang Matematika, tinatayang nasa 16 na bahagdan ng mga batang Pilipino lamang ang nakakuha ng mataas na puntos. 23 bahagdan naman para sa Reading Comprehension at 24 na bahagdan para sa asignaturang Agham. Ito ay isang malinaw na halimbawa ng pagkabigo ng ating sistema ng edukasyon na magbigay ng tunay na kaalaman at kasanayan. Dito sa JFBSHS, sa halip na pagtuunan ang pagpapabuti ng pag-aaral sa mga mag-aaral, ito pa ay nagiging isang kompetisyon. Nagpapataasan sa resulta ng pagsusulit at nag-uunahan sa pagkamit ng titulong pinakamataas sa klase. Ito ay nagtutulak sa mga mag-aaral na magpokus lamang sa pagkuha ng mataas na marka. Ang resulta? Isang henerasyon na nakatuon sa pagkuha na lamang ng pinakamataas na puntos sa mga pagsusulit pero kulang sa kritikal na pag-iisip, malikhaing paglutas ng problema, at tunay na pag-unawa. Tunay bang naiintindihan ang mga aralin o nag-aaral na lamang para pumasa at para sa mataas na marka?
Isa sa halimbawa ay si Althea Nicole Cadiom, isang mag-aaral sa ating paaralan ng JFBSHS na may mataas na marka ngunit nagpupumilit na makahanap ng tunay na katuparan sa kanyang pag-aaral. Si Cadiom ay palaging nasa tuktok ng klase at nagtatagumpay sa bawat pagsusulit—ngunit sa likod ng kanyang mataas na marka, isang pagkabigo ang nagkukubli. Hindi niya nararamdaman ang tunay na pag-ibig sa kanyang mga pinag-aaralan, at ang kanyang paghabol sa perpektong numero ay nag-iiwan sa kanya ng walang laman. Sa halip na mag-aral ng mga bagay na tunay na nagpapasaya sa kanya, napipilitan siyang mag-aral ng mga asignatura na itinuturing na ‘mahalaga’ para sa kanyang kinabukasan. Ang mga pangarap ng mga estudyante ngayon ay tila nababalot ng mga numero, ang kanilang mga talento ay nabibilang sa mga puntos, at ang kanilang mga pagsisikap ay nagiging paghabol sa perpektong marka. Linilimitahan nito ang kanilang potensyal at hindi nagiging daan para sa tunay na pag-unlad at pagkamalikhain.
Hindi sa lahat ng oras, ang mga taong may mataas na marka ang mga taong nagtatagumpay sa buhay. Maraming Pilipino na nakapagtapos ng kanilang pag-aaral nang may karangalan o may mga latin honors, ngunit nasaan ang iba sa kanila ngayon? Nasa kanilang mga tahanan at tumatambay dahil walang mahanap na trabaho. Ang mga fresh graduate ng kolehiyo at K-12 ay may 1.02M o 43 bahagdan ng kabuuang populasyon ang walang trabaho. Ang punto ko ay hindi lang dapat puro utak o ang pagkamit ng mataas na marka ang maging sentro ng ating buhay. Kailangang samahan ito ng tiyaga at pagsusumikap. Hindi ko sinasabing huwag nang mag-aral. Ang pag-aaral ay daan para sa pagbabago.
Gusto natin ng mataas na marka? Mag-aral tayo at kunin ang mataas na marka, ngunit hindi ito dapat ang maging batayan ng ating tagumpay. Dapat nating baguhin ang ating pananaw sa tagumpay.
Naniniwala ako na ang tunay na tagumpay ay hindi nakasalalay sa mga marka kundi sa kakayahan ng isang tao na mamuhay nang makabuluhan. Ito ay tungkol sa paghahanap ng kanyang tunay na talento at hilig, pagpapaunlad ng kanyang kakayahan, at pag-aambag sa lipunan. Ang mga magulang, guro, at mga lider ng lipunan ay may pananagutan na gabayan ang mga kabataan sa paghahanap ng tunay na kahulugan ng tagumpay na hindi lamang nakasalalay sa mga numero kundi sa isang mas malawak na konsepto ng pagiging isang mabuting tao at isang makabuluhang indibidwal.
Ang paglaya mula sa pang-aalipin ng marka ay kailangan nating gawin nang sama-sama. Naghihintay sa atin ang tagumpay, hindi ito mula sa mga numero, kundi mula sa ating mga puso. Ito ay ang pagiging masaya sa buhay. Ang pagkakaroon ng mataas na marka ay isang hakbang lamang sa isang mas malawak na paglalakbay, isang paglalakbay patungo sa masasabi kong tunay na tagumpay. Huwag nating hayaang ang mga marka ang magdikta ng ating kinabukasan. Tayo ang may kapangyarihang tukuyin ang ating sariling tagumpay. Ang pagkakaroon ng mataas na marka ay isang magandang layunin, ngunit hindi ito dapat maging ang tanging layunin sa buhay.