Mary Imma Dano | Ang Matuwid
'ID check!' Iyan ang usong salita ngayon sa aming mga mag-aaral ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS). Paano ba naman, hindi ka makakapasok ng paaralan kung wala kang school identification (ID) card. Pero mabuti nga ba ito para sa mga estudyante at guro?
'Disiplina ang pundasyon ng tagumpay.' Ito ay matapos ipatupad ang “No Identification, No Entry” policy nitong ika-7 ng Oktubre, taong 2024, sa JFBSHS para sa aming mga estudyante. Ito ay naglalayong matukoy ang pagkakakilanlan naming mga mag-aaral, magdulot ng kapayapaan at kaligtasan para sa mga estudyante at mga guro. Ito ay magiging daan sa tagumpay ng bawat isa na maging disiplinado at organisado gayundin sa kaayusan ng paaralan.
Paano naman ang mga walang ID? Hindi ba sila makakapasok ng paaralan?
Mahigpit na ipinapatupad ng JFBSHS ang No ID, No Entry policy. Ayon sa guwardiya na nangangasiwa sa pagpapatupad ng patakaran, hindi sila nagpapapasok ng estudyante hangga’t wala itong suot na ID. Anuman ang dahilan at pagpapalusot na ginagawa ng mga kapwa ko mag-aaral ay hindi ito umuubra sa mga guwardiya dahil isinasaalang-alang nila ang seguridad ng paaralan. Sa paghihigpit na ito, matututo kaming mga estudyante na disiplinahin ang sarili sa pamamagitan ng pagsusuot ng ID. Magdudulot din ito ng kaligtasan para sa mga guro. Isa ito sa mga paraan upang maiwasan ang pagpasok ng mga taong may hindi magandang intensiyon na magdudulot ng kaguluhan at kapahamakan.
Ano kaya ang reaksyon ng mga guro at mag-aaral na tulad ko sa patakarang ito?
Pahayag ng isang guro mula sa baitang sampu na si Gng. Liezl Morales Acal, sang-ayon siya sa pagpapatupad ng patakaran na No ID, No Entry dahil ito raw ay para sa ikabubuti ng kapakanan ng mga estudyante at ng kaniyang mga kapwa guro. Sinabi rin niya na naipamahagi naman na ang lahat ng mga ID para sa mga estudyante kaya inaasahan niya na ang lahat ay may maisusuot na ID. Mula naman sa isang mag-aaral sa baitang sampu na si Claire Bobis, sumasang-ayon din siya sa pagpapatupad ng No ID, No Entry dahil bilang isang estudyante, nais niyang masiguro ang kaniyang kaligtasan. Mas ginaganahan din daw siyang pumasok kung organisado at disiplinado ang mga mag-aaral at walang kaguluhan sa kaniyang paaralan. Maganda ang layunin ng pagpapatupad ng No ID, No Entry dahil ito ay pamamaraan para mabigyan ng proteksyon ang mga tao sa paaralan, tulad ng mga estudyante at guro. Hinahasa rin ng patakarang ito ang pagiging disiplinado at responsableng mag-aaral.
Halo-halong emosyon naman ang nararamdaman ng mga estudyanteng bumabalik sa kanilang mga bahay dahil naiwan nila ang kanilang ID. Nagagalit sila dahil hindi man lang daw magkaroon ng konsiderasyon, ngunit sila rin ay nagpapakumbaba dahil aminado sila na kasalanan nila kung bakit sila hindi makakapasok. Paliwanag ng guwardiya, hindi sila matututo kung lagi silang pagbibigyan. Babaliwalain lamang nila ang patakaran. Mula rito, matututo sila sa kanilang pagkakamali at mas mapayayabong nila ang kanilang sarili na maging isang mabuting mag-aaral. Kaming mga estudyante ay matututo na kilalanin ang kahalagahan ng pagkakakilanlan at pagiging responsable.
Sa pagpapatupad ng patakarang No ID, No Entry, matitiyak na ang mga pumapasok sa paaralan ay may awtorisasyon. Maiiwasan ang mga taong may masamang intensiyon na makapasok, gayundin ang mga hindi kanais-nais na gawain sa loob ng paaralan. Para sa aming mga estudyante, matututo kami sa kahalagahan ng seguridad, proteksyon, at pagsunod sa mga patakaran. Kami ay magiging organisado, disiplinado, at responsableng mag-aaral. Mapabubuti rin nito ang aming pag-uugali dahil matututo kaming magpakita ng mabuting asal at disiplina sa paaralan.
Sa paglalahat, magdudulot ito ng kapanatagan sa mga mag-aaral, guro, at mga kawani ng paaralan sa aspeto ng seguridad at kaayusan. Kaya naman, ang patakarang No ID, No Entry ay isang responsibilidad na dapat tugunan at sundin naming mga mag-aaral at hindi isnabin.