Ni:Kent Eugene Paras | Ang Matuwid
Tanghaling tapat ako'y gumagawa ng aming takdang-aralin, kausap ang aking kuwaderno na pilit inuunawa ang mga numero sa sipnayang ako'y gulong-gulo. Tangan ko ang kaibigan kong bolpen at kasangga kong papel sa gilid ng aking lamesa. Apat na pahina pa ang sasagutan ko, matatapos ko kaya ito? gayong ngayong araw lamang ito binigay at kinabukasan ang pasahan?
Kamot sa ulo, buntong hininga ang maririnig mo sa aking kuwarto. Lumalalim na ang gabi, hindi pa rin ako nakakausad. Nasa ikalawang bilang pa lang ako, ''Ano ba 'to x plus Five squared?'' Bakit ba kasi may ganito pang mga pa-andar ang DepEd? Dahil ba sa tayong mga Pilipino ay mahina sa mga lohikal na pagresolba ng mga simpleng numero? o gusto lang nilang umusad tayo sa resulta ng Programme for International Student Assesment (PISA) na nasa dulong ranggo na ang ating bansa?
Ah! basta matutulog na'ko kanina pa ako nagsasagot dito sasapit na ang madaling araw ni hindi pa nagpapahinga ang aking mga pagod na kalumatang kanina pa nakikipagtitigan sa mga numerong hindi mag resolba ng kanilang mga problema. Nilagay ko na ang mga kaibigan kong papel at bolpen sa kanilang bahay silid upang ako'y makapagpahinga na at makapag-ipon ng lakas sa panibagong pakikibaka na naman sa bawat asignatura.
Sinag ng araw at arangkada ng mga sasakyan ang nagsilbi kong panggising sa tulog kong diwa. Kumain at naghanda na ako sa aking pagpasok. Nga pala, yung mga sasagutan ko pa sa sipnayan tungkol sa programang National Mathematics Program (NMP) ng DepEd hindi ko pa natatapos!
Pumasok na ako sa aming silid, gayundin ipinapasa na ang aming kuwaderno sa NMP,
pagkatapos magwasto ay wala pa sa kalahati ang aking naging iskor kaya naman malaki ang epekto nito sa aking magiging performance sa school. Ipinahayag at Ipinaliwanag sa amin ng aming guro kung bakit at para saan ang aming ginagawa at kung bakit nga ba kami naglalaan ng ilang minuto kada uwian para sa gawaing ito. Ang nasabing programa pala ay inimplenta ng DepEd sa lahat ng paaralan at mag-aaral sa ating bansa, dahil ito sa datos na inilabas ng PISA
ngayong taon.
Ayon sa aming guro, ang PISA ay isang pandaigdigang pag-aaral ng Organization for Economic Co-operation and Development sa mga kasapi at di-kasapi na bansa upang suriin ang mga sistema ng edukasyon sa pamamagitan ng pagsukat ng kasanayan at kakayahan sa matematika, agham at pagbabasa ng mga 15-taong-gulang na mag-aaral sa paaralan.Ang ating bansa ay nasa dulo na ng listahan kaya't isinagawa ito upang tumaas ang ating ranggo at hindi na madagdagan ang mga pilipinong nagtatapos ng pag-aaral nang hindi kayang mag sagot ng simpleng katanungan tungkol sa mga numero. Muling sumisigaw at nabuhay ang mga tinig at boses sa aking isipan. Agad akong napatanong na ''Dito lamang ba binabase ng DepEd ang kakayahan at kasanayang nating mga Pilipino? Paano namang ang iba na sadyang kahinaan ang sipnayan at magaling naman sa mga dalubhasang pangkabuhayan? Nakakalungkot lamang kung tutuusin na maraming Pilipino na hirap sa ganitong mga sitwasyon.
Layunin man ito ng kagawaran ng ating edukasyon na palawakin, ngunit sana’y lahat ng kabataan ay natututukan nang maigi at laging nasusubaybayan upang umusad tayo sa ranggo kahit papaano. Mapagkalooban sana ang mga kabataan na tulad ko ng kakayahan at kasanayan sa larangan ng Matematika at magamit namin ito balang araw sa pag-abot ng aming mga pangarap.
Umuwi na ako pagkatapos ng mahabang araw ng talakayan, naalala ko na lagi na pala kaming may ganitong gawain kada linggo kaya naman dapat ko nang gawin ang mga gawain upang hindi ako matambakan at magsabay-sabay ang pagpapasa ng mga gawain sa itinakdang araw. Pagkatapos mag balik-aral ay iniligpit ko lang ang mga gamit ko at kasangga sa araw-araw sa eskwelahan upang muli nanamang makipagsapalaran sa panibagong paksa na pag-aaralan namin bukas. Humiga na ako sa lugar ng aking imahinasyon at ipinahinga ang pagod kong diwa.