Kalbaryo ni Felice
Pagod, puyat at gutom ang mga pangunahing danas ni Felice dahil sa walang katapusang mga gawain. Dagdag pa nito ang tanong sa sarili na "Paano kung bumagsak ang aking grado sa iba't ibang asignatura?" Sa sunod-sunod na mga aktibidad na ipinapagawa ng kaniyang mga guro ay hindi na niya alam kung ano ang uunahin, sumabay pa rito ang samu't saring utos ng kaniyang ina at mga responsibilidad na kailangang gawin sa loob ng bahay. Ang tanging katanungan na lamang niya sa mga panahong iyon ay "Maging lantang gulay kaya ako at tuyot na dahon? O kaya naman ay maging sariwang gulay at prutas?" Ni wala man lang siyang sapat na tulog dahil kailangan niyang tapusin ang mga gawain sa walong asignatura. Umaga't gabi ay sadsad ang katawan, walang katapusang pagsulat, pag-eensayo at pagmememorya para sa darating na pagsusulit. Ang paaralan na ang nagsisilbing tahanan at bakasyunan na lamang kung ituring ang kanilang bahay.
Sa kabila nito, ang tanging pinagkukuhanan ni Felice ng lakas at pahinga ay ang pagkain ng paborito niyang sinabawang gulay, sa unang paghigop pa lamang ay ramdam niya na ang kasiyahan at kaluwagan sa kaniyang puso. Ang mga ito kasi ay nagtataglay ng Go foods na pampasigla, Grow foods na pagkaing pampatangkad at Glow foods na pananggalang sa sakit. Kaya hindi nakakapagtaka na kahit sunod-sunod ang mga gawain ay nakakayanan niya pa rin. Tunay na makulay ang buhay kung may sinabawang gulay! Pero naisip mo rin ba na kung paano kung walang gulay? Ano na lamang ang magsusuplay ng bitamina at mineral na kailangan para sa kalusugan? Tuluyan na kayang magiging lantang gulay si Felice?
“Malusog na kinabukasan ay siyang dulot ng edukasyon at kalusugan." Ito ay isa sa mga pundasyon sa matatag na nutrisyon. Bilang estudyante tulad ni Felice na walang sawang nakikipagsapalaran sa madugong labanan na tagisan ng katalinuhan at pagpupursigi para sa pangarap, ang nutrisyon ay mahalaga. Ang mga gulay at prutas ay bukod tanging nagbibigay sustansiya at bitamina sa katawan upang maging malakas at matatag. Nutrisyon ang nagsisilbing sandata’t panlaban mula sa mga sakit.
Pagod, puyat at kulang man sa tulog, ang gulay at prutas naman ang siyang umaalalay at sumusuporta dahil pinupuna nito ang kakulangan sa ating kalusugan. Mahirap ang magkasakit dahil ito ay humahadlang na makapag-aral nang mabuti at nakakasagabal ang mag-aral kung walang laman ang tiyan dahil sumasalamin ito na walang papasok sa iyong utak dahil hindi ito makakapagproseso nang maayos. Kaya naman, "Pagkain ng tama ang solusyon, wastong nutrisyon ay isulong."
Paminsan-minsan mang hindi maipinta ang mukha ni Felice ay mas madalas naman na siyang masigla dahil sa dulot ng gulay. Ito ay mataas sa bitamina na makatutulong sa ugat na nakababawas sa stress. Hindi sapat ang pag-aaral lang, kinakailangan ding kumain para mapanatiling malusog,masigla at malakas. Ika nga nila "Life is food, food is life" pero kailangan na ang pagkain ay masusustansya tulad ng gulay, isda, karne at prutas dahil ito ay nakatutulong sa pag-unalad ng sariling kalusugan at sa edukasyon. Kaya naman, ang pagkain mo ba ay tama? Ito ba'y masustansiya?
Bilang isang mag-aaral, ano ang iyong pangunahing kinakain? Ito ba ay Milk tea, Pancit Canton, Tsitsirya at Softdrinks? Alam mo ba na ang mga ito ay maaring maging sanhi sa pagkasira ng iyong kalusugan at hindi makatutulong sa iyong pag-aaral. Ang mga ito ay may mataas na calories mula sa sugar o fat at nagtataglay ng mababang components with nutritional value, tulad ng dietary fiber, protina, bitamina at mineral. Kung saan ito ay pumipigil sa katawan mula sa pag-absorb ng mga mahahalagang sustansya na tumutulong sa pag-function nito.
Maaari rin itong magdulot ng mga problema sa kalusugan na p'wedeng magresulta sa ilang malalang sakit sa hinaharap. Nutrisyon ang nagsisilbing sandata at panlaban sa sakit. Kaya naman, mahalaga na ang NUTRISYON ay isaisip upang EDUKASYON ay bumuti na siyang susi sa tagumpay.
Sa pagsasabuhay ng nutrisyon hindi lamang mapapabuti ang pisikal na kalusugan, kundi pati na rin ang ating mental na kakayahan. Magkakaroon ng mas mataas na konsentrasyon, mas mahusay na memorya at mas matatag na emosyon. Lahat ng ito ay magbibigay-daan na harapin ang mga hamon sa pag-aaral at makamit ang mga pangarap. Sama-samang magsikap na bumuo ng isang matatag na henerasyon, isang henerasyon na malusog, edukado at handa na harapin ang hinaharap. Kumain ng gulay para sa matatag at makulay na buhay!