Abby Osic | Ang Matuwid
Sa panahong ang mga tao’y nasasalanta ng mga kalamidad, tanging inaasahan kong tutulong sa amin ay ang administrasyon. Kaya nga sila ang ating pinili noong eleksyon dahil pinagkatiwalaan natin sila na nariyan sila at maagap sa tuwing mangangailangan tayo ng tulong.
Pero bakit tila walang malasakit ang administrasyon ngayon at natatakot pa silang harapin ang kasalukuyang suliranin? Mas marami pang nagagawa ang mga pangkaraniwang mamamayan kaysa sa mga may mataas na posisyon sa gobyerno. Mahirap tanggapin, ngunit ito ang katotohanan. Palpak ang kanilang "Disaster Response" — mataas ang bilang ng mga nasawi, umabot na sa 145 katao. Kung tunay na handa sila sa panahon ng sakuna, hindi sana umabot sa ganito kataas ang bilang ng mga biktima.
Nakakatawa at nakakalungkot isipin na wala man lang magawa ang ating Pangulong Ferdinand Marcos habang rumaragasa ang hagupit ng Bagyong Kristine. Ayon sa kanyang pahayag sa isang situation briefing noong ika-23 ng Oktubre, wala raw magagawa kundi hintayin na lang lumipas ang bagyo. Kung ang mismong Pangulo na ang nawalan ng pag-asa, paano pa kaya ang mga tulad kong pangkaraniwang mamamayan na nakakaranas ng brown-out at matinding pagbaha? Hindi ba’t tungkulin ng Pangulo na tiyakin ang kaligtasan ng kanyang nasasakupan? Pero bakit ngayon ay hindi niya nagagampanan ang kanyang responsibilidad?
Bilang isang mag-aaral sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS) na nakaranas ng malalakas na ulan at pagbaha, nakaiinis isipin na habang kami ay dumaranas ng hirap, si Bise Presidente Sara Duterte ay nakadalo pa sa isang kasalan! Wala man lang pakialam, at tila mas inuuna pa ang sariling kasiyahan. Hindi ba’t kaagapay ng Pangulo ang Bise Presidente? Ngunit bakit tila ngayon ay watak-watak ang kanilang kilos at damdamin? Gumuho man ang dating “unity” nila, sa isang bagay sila nagkasundo—ang pagtalikod sa taumbayan sa panahon ng unos.
Masakit isipin na sa kabila ng hindi natin nakukuhang tulong sa panahon ng sakuna, tila hindi pa rin tayo natututo. Patuloy pa rin tayong naghahalal at bumoboto sa kanila. Para bang nawawala ang ating mga hamong ating hinarap sa panahon ng sakuna kapag dumarating ang eleksyon. Nabubulag tayo sa mga paulit-ulit na pangakong pagagandahin at aayusin ang Disaster Response ng bansa. Hanggang kailan natin maririnig ang mga katagang ito bago nila ito gawing realidad?
Kailangan nating maging matapang at magsalita—hindi nila nagagampanan ang kanilang mga tungkuling panatilihin ang kaligtasan ng bawat Pilipino. Dapat nilang pagbutihin pa ang kanilang Disaster Response, at sana’y magbago ang kanilang isipan. Ang kanilang tungkuling pasan nila sa kanilang mga balikat ay hindi dapat pangunahan ng takot o pansariling kasiyahan.