Sabado, iyan ang araw ng aming pag-eensayo. Isa sa mga araw na inaabangan ko, sa bawat pag hampas at bawat pag lagapak ng bola sa aking mga palad kasabay nito'y sakit sa bawat galugod ng aking katawan.
Ako si Isko L. Yosis, isang atleta sa paaralan ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS). Sa aking bawat galaw, tila ba may naka saksak sa aking kalibutan. Isang sakit na napakahirap gawan ng solusyon para sa isang atletang kagaya ko. Sakit na hindi ko naman ginusto, isang sakit na nagpapawindang at nagpapayanig sa bawat sistema't dugo at lamang nananalaytay sa aking buong katawan at bumubuo sa aking katauhan, parang isang panukat na maaari mong ma ikot-ikot ang bawat parte ng katawan. Isang munting linya na kung titignan ay mas masahol pa sa linyang gawa ng isang batang nasa isang taong gulang palamang.
Sa bawat bayong na aking isinasampa at dinadala sa aking likuran, tila ba'y pasan-pasan ko ang bawat problema sa aking kapaligiran. Kagaya ni Quasimodo sa nobelang ang Kuba ng Notre Dame ang tingin ko sa aking sarili ay isang lalaking pangit ang pangangatawan. Sa bawat pag-akyat at bawat hakbang ko sa pasilyo ng aming ikalawang tahanan, tila dumudoble ang dala kong mga kagamitan. Postura roon, postura rito, iyan ang araw-araw na tumutulong sa akin sa bawat pag-eensayo. Sa bawat araw na ako'y dumidilat at nagkakaroon ng muwang, isang hiling ang nais kong sana ay mapagbigyan.
Inayos ko na ang mga kasangga ko sa aking pag-aaral, isang bolpen, kwaderno at syempre hindi magpapatalo ang aking aparato. Habang ako'y naglalakad papauwi sa aming tahanan, nakita ko si ina na tila’y nakapansin sa kakaiba kong tindig at lakad sa bawat araw at taon na lumipas. Sa kanyang mala agilang mata ay kitang kita ko ang pangamba. Habang ako'y papalapit sa kanya, ang kanyang matang agila ay unti unting pumupungay at nawawalan ng kulay. Sa kabila ng kanyang maliwanag na buhay at masisiglang kulay, kitang-kita ko ang pagkabahala at takot sa kanyang nagiging mala kristal na mga mata, ang mala abong kulay ng balintataw niya ay sadyang pumapatay sa aking mga negatibong pag-iisip, ang mga bulong sa aking isip.
Pagdaan ko sa harap ng salamin, kitang-kita ng aking dalawang paningin. Isang lalaking puno ng sigla, katawang puno ng hiya. Sa bawat araw na lumipas, tindig ko'y unti-unting kumukupas. Iyan ang paulit-ulit na sumasampal sa aking buong pagkatao, hindi lamang ito nakakaapekto sa aking tindig ngunit ito rin ay nakakaapekto sa aking bawat galaw, hataw at pagsabay sa agos ng pang araw-araw na buhay. Sa pagharap ko sa isang monitor ng isang kompyuter na kung tawagin ay eksrey, tanaw na tanaw ko ang isang tanawing kasing gulo at hindi pagkakapantay ng mundo, Tindig ko'y tila isang bula, unti-unting nawawala. Kasabay ng pag putok sa bawat bula, mundo ko'y unti unting gumuho't nawawala.
Scoliosis, scoliosis, scoliosis ng dahil sa iyo'y hindi ko magawa ang aking mga ninanais. Naisin ko mang humampas at maglakad ng matuwid, tila'y isa kang matinding balakid. Isang balakid na may pagkakahawig sa isang kumunoy, isang parte ng lupa na kung saan ay uunti-untiin at mas pipiliing pahirapan ka kaysa sa tulungan at pakawalan ka. Hindi ko na magawa ang bawat pag hampas at pag landas ng mga bola sa aking mga palad, ng dahil sayo'y nagiging aparato na ang aking hawak. Isang aparataong papalit sa aking nais, bagong kasangga tungo sa matuwid na aking magiging tanglaw na mag hahatid saakin sa mas maayos na kinabukasan. Braces, braces, braces. Isa na namang bagong kasangkapan tungo sa aking matuwid na kinabukasan. Kagaya ng mga linya at kableng nasa kalsada, ninanais ko rin maging isang lalaking may maayos, matuwid at magandang pangangatawan.
Habang ako'y nag sasaliksik para sa aking pag-aaral ay napunta ako sa pahinarya ng ritemed. Isang pahinang puno ng gamot, solusyon at mga payong nag mumula sa mga registration at mapagkakatiwalaang pahayagan at botika. Ayon sa ritemed, ang scoliosis ay ang pagkakaroon ng hindi karaniwang pagtagilid ng kurbada ng back bone o spine. Isang sakit na maaring ma resolba sa pamamagitan ng isang aparato na nagngangalang braces, isang kasangkapan tungo sa isang matuwid na kinabukasan.
Ikaw ang aking solusyon braces! Ng dahil sa iyo ay unti-unti na akong nakakapagpagaling at nabibigyang lunas ang matagal at madalas kong hinanakit sa aking kalibutan. Sa bawat araw at minutong kasama ka, unti-unti akong naliliwanagan na may pag asa. Sa iyong presensiya, mundo ko ngayon ay puno ng sigla. Tunay nga na ang lahat ng problema ay may solusyon, minsan ito'y nasa ating paligid lamang. Tingin doon, tingin dito. Hanap doon, hanap dito. Iyan ang maipapayo ko, isko nga pala, dalawang pantig apat na letra. Ngunit tiyak na tiyak kong hindi mo makakalimutan, isa sa magiging tanglaw niyo upang hindi mawalan ng pag-asa. Katulad ng apoy, patuloy na magpapainit at magpapayanig sa inyong mga likod. Hagod doon, hagod dito. Iyan ang buhay ko.
Aha! Kaya pala! Sa bawat paggalaw ko'y tila nakabaon sa akin ang isang bagay na hindi ko mawari, sa isang hindi malamang kadahilanan ako'y napatawa sapagkat nakita ko ang isang kataga na "I'm not sick, Im twisted.” Halata sa bawat ngiti ni ina ang saya, isa na akong scoliosis free! matuwid at tila walang pinagdaanang matinding balakid. Sa tulong mo braces, buhay ko'y napa embraces! Isang patunay na ang lahat ng problema ay iyong malalampasan. Sa bawat pagtitiyaga ay tiyak kong may kaakibat at kahahantungan ang paghihirap na iyong kinakaharap, wala sa likod wala sa harap. Iyan si isko L. Yosis, isang atletang ngayon ay nagbabalik upang maghatid at magbigay sa inyo ng mga larong hinding-hindi mo makikita sa iba, isang larong nagpapatunay na ang bawat pagdapa ay nag-iiwan ng mga ala-ala. Hindi na ako ang kuba ng Notre Dame, ang aking katawan ngayon ay tila ba isang perpektong wangis na ng aking pinapangarap na katawan. Iyan ang sigaw ko kasabay ang paghampas at paglapat ng bola sa aking mga palad na nag-iiwan ng ngiti sa madla.