Angelito Canlas | Ang Matuwid
Nagtagumpay ang mga Felician Smashers ng Judge Feliciano Belmonte Senior High School (JFBSHS) sa Congressional District Athletic Meet 2024 na ginanap sa Bagong Silangan High School (BSHS) noong ika-5 ng Oktubre, 2024.
Nagtamo ng unang pwesto sa Men's Bracket si John Eric Adriano mula sa 7-Alupag sa finals ng Single Men's Bracket kung saan nakipagtagisan ang JFBSHS laban sa Commonwealth High School (CHS) at nagtapos sa iskor na 22-30.
Sa kabila ng matinding laban, ipinakita ng mga manlalaro ang kanilang dedikasyon upang umuwi bilang kampeon sa District Meet.
"Mahirap na training po ang pinagdaanan ko bago ko nakamit ang tagumpay sa District Meet. Nag-go hard po ako sa training dahil para sa'kin din ito. Ito [rin] ang laging sinasabi sa akin ng coach ko, na lagi lang go hard para lumakas lalo," ani Adriano na ibinahagi ang kanyang karanasan at paghahanda bago makamit ang unang pwesto sa Single Men's category.
Sa Double Men's Bracket sa pagitan ng JFBSHS at CHS, pumangalawa sa pwesto sina Prince Vallant Taladro mula sa 10-Onyx at John Samuel Obiedo mula sa 11-Lumbera laban sa mga atleta ng CHS na nagtapos sa iskor na 17-30.
"Self-discipline lang. I know I tried my best, but I think my best wasn't enough. Malapit na pero lumayo pa," pahayag ni Taladro matapos makuha ang ikalawang pwesto kasama ang kanyang teammate na si Obiedo sa Men's Doubles.
Sa Women's Singles, nakamit ni Charice Pascual mula sa 8-Everlasting ang ikalawang pwesto sa Single Women's Bracket.
Nakalaban niya ang atleta mula sa BSHS, at ang kanilang laban ay dikit na dikit, nagtapos sa iskor na 28-30 dahil ibinigay ng bawat manlalaro ang kanilang makakaya upang magwagi.
Hindi man lahat ay naging kampeon, para sa kanila ang mahalaga ay nagawa nila ang lahat ng makakaya upang hindi masayang ang kanilang paghahanda.
Lubos silang nagpapasalamat kay Binibining Loue Loreto, ang kanilang tagapagsanay, sa pagtuturo, paggabay, at paglalaan ng oras upang sila ay matuto at magtagumpay.
Melody Atillano | Ang Matuwid
Namayagpag ang mga atletang Felicians sa mataas na paaralan ng Hukom Feliciano Belmonte Ama (JFBSHS), matapos mag-uwi ng 25 na medalya sa Athletics District Meet noong ika-9 at ika-10 ng Oktubre sa Montalban Sports Complex.
Ito ay matapos nilang mapasakamay ang 2nd Overall Champion in Athletics sa Athletics District Meet sa pangunguna ng kanilang team captain na si Jerald Anthony A. Linga na nagkamit ng may pinakamataas na karangalan at namayagpag na makuha ang apat na gintong medalya.
Sinundan nina Jhavaco James T. Patingo at Kisha M. Calda, may tig-apat na medalya; Beyonce Faith P. Gabales at Krystel T. Fernandez, may tig-tatlong medalya; Mark Christian Borbon, Mico A. Madin at Alliah Denise, may tig-dalawang medalya; James Tullas, Neil Merrick F. Dela Cruz at John Tidus R. Rivera, may tig-isang medalya.
Inilahad ni Ginang Mhay Recana Serrano, guro ng Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH) sa JFBSHS na nanguna sa palarong ito, na siya ay naniniwala na ang pagsusimikap ng mga atletang estudyante sa kompetisyon ay maaaring magbukas ng mas magandang kinabukasan para sa kanila.
"Ang sinasabi ko lang sa kanila sa game or sa competition, sila rin ang unang-una magbe-benefit," ani ni Gng. Serrano
"Ang una ko lang sinasabi, kapag they have an outstanding performance ay they have a better future kasi pwede silang kuhain bilang isang scholar at athlete ng isang school," dagdag pa nito.
Nagbigay-pahayag din ang kanilang team captain na si Linga na mahalaga ang pagkakaroon ng magandang samahan sa kanilang grupo upang masigurong maayos ang kanilang laro.
"May maganda kaming ugnayan ng mga teammates ko since magkakaibigan naman na kami," ani Linga.
"Kinakausap ko sila nang masinsinan. Total lahat naman kami gustong manalo kaya nali-lead ko sila nang maayos at binibigay rin nila yung cooperation nila," dagdag pa niya.
Narito naman ang mga estudyante mula sa JFBSHS na nakapasok sa Division Level matapos ang kanilang natatanging pagganap sa palaro: Krystel T. Fernandez, Kisha M. Calda, Beyonce Fhate P. Gabales, Jerald Anthony A. Linga, Neil Merick F. Dela Cruz, John Tidus R. Rivera, Mark Christian R. Borbon, at Jhacovo James T. Patingo.
Patuloy na naghahanda ang mga atleta para sa Division level, bitbit ang pag-asang makapag-uwi ng medalya at karangalan.
Aarangkada ang mga pambato sa susunod na laban kasama ang buong suporta at tiwala ng kanilang paaralan sa kanilang husay at sipag.
Kimberly Joyce Oliveros
Nagpakitang gilas ang mga kinatawang manlalaro sa Chess ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS) sa bawat pagsasanay para sa paparating na Chess District Meet na gaganapin ng sabado, ika-12 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
Nag-aapoy sa paghahanda ang mga kinatawang manlalaro ng JFBSHS, handang ipakita ang kanilang husay, diskarte, at estratehiya sa bawat galaw ng mga manlalaro.
Ayon kay Binibining Noemelyn Vecina, Gurong tagapagsanay sa JFBSHS, na sisiguruhin niyang magiging maayos ang gaganapin na District meet ng chess bilang organizer. Dagdag pa niya, umaasa rin ang mga manlalaro na makapasok sila sa division meet.
"Since ako rin yung mag-oorganize, I will make sure na magiging maayos yung gaganapin na District meet ng chess, and as well as yung iba nating mga players ay still hoping na kahit papaano sila ay makapasok for the division meet.” aniya ni Bb. Vecina
Ayon naman kay Serenity Gaille Prado mula sa 9-Faith, isa sa manlalaro, na sa tingin niya ay mahihirapan siya sa kanyang unang chess tournament dahil sa pressure at sa hindi niya kilala ang mga makalalaban niya, ngunit determinado siyang ibigay ang kanyang makakaya para sa paaralan.
“I think it will be hard with all the pressure since it's my first chess tournament and kasi hindi ko rin kilala yung makakalaban ko, pero syempre kakayanin para sa school natin.” Aniya ni Prado.
Gayunpaman, sa kabila ng mga hamong kinakaharap, ang mga manlalaro ng JFBSHS ay nagpapakita ng determinasyon at paghahanda para sa paparating na kompetisyon, ang kanilang pagsasanay at dedikasyon ay nagpapakita ng kanilang pagmamahal sa laro ng chess at ng kanilang pagnanais na ipagmalaki ang kanilang paaralan.
Micaela Sibug | Ang Matuwid
Naglunsad ng Sports Section ang mataas na paaralan ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School para sa mga atletang mag-aaral sa nakaraang pagbubukas ng akademikong taon 2024-2024 upang patuloy pang matutukan ang mga estudyanteng may potensyal sa isport.
Layunin ng paaralan na mabigyang pansin ang potensiyal ng mga atletang mag-aaral kaya't bumuo sila ng pangkat ng mga estudyanteng interesado sa isports upang sabay-sabay silang matutukan at mahasa pa.
Baitang na mayroong sports section ay mula lamang sa ika-7 baitang hanggang ika-9 na baitang, samantala, hindi na kabilang dito ang ikasampung baitang at mga senior high school.
Tagapagpayong guro ng mga nasabing baitang ay sina Ginang Mary Ann Espinosa, mula sa ika-7 baitang; Binibining Louelinda Loreto, ika-8 baitang; Binibining Noemelyn Vecina, ika-9 na baitang.
Nasabi ng gurong tagapagpayo ng ika-9 na baitang pangkat Agility na si Binibining Noemelyn Vecina na siya mismo ang nagpresinta na maging tagapagpayo ng naturang seksyon kahit pa hindi siya MAPEH major o sports major, panatag ang loob ni Vecina na magagampanan niya ang mga atletang mag-aaral.
"Ako mismo yung nagvolunteer to be a sports class adviser. Even though hindi ako MAPEH or Sports major. I think kaya ko naman maghandle ng mga student athletes and up to now manageable pa naman" panayam ni Vecina.
Naging maayos naman ang paglunsad ng sport section sa tulong ng kagawaran ng paaralan at ng mga punong guro rito.
Bagamat may sport section, nakatuon parin ang pokus ng mga estudyante na kabilang sa pangkat na ito ang mga asignatura na walang kinalaman sa isports.
Micaela Sibug | Ang Matuwid
Nagtagisan ang galing at determinasyon sa paglalaro ang mga atletang sumubok sa nagdaang tryout noong ika-7 ng Oktubre, 2024 sa school covered court ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School.
Ito ay matapos nilang ipamalas ang angking husay sa paglalaro ng nasabing isports.
Matagumpay namang nakabilang ang mga manlalarong nag-try-out na kalauna'y natanggap din na sina Kenneth Parallag, Dave Sena, at Cyrus Bernal.
Sinambit ni G. Tirso Peralta, nangunguna at tumatayong bilang coach sa Men's Volleyball, na tila parang butas ng karayom ang pinagdaanan ng mga manlalarong nag-try-out sa nasabing isports dahil sa mga hirap at sakripisyo na ginagawa ng mga manlalaro para makapag-ensayo nang mabuti.
"Honestly, hindi naging madali ang pagkasa ng training sa mga bata dahil of course, kaunti lang time na nai-spent namin sa training dahil siyempre may regular class na dapat i-prioritize ang mga players natin," pahayag ni G. Peralta.
Itong tryout na ito ay isang napakagandang oportunidad para sa may mga potensyal na nais pang mamayagpag bilang manlalaro ng paaralan at para patuloy silang makahikayat na ipakita ang angking husay at talento sa larangang ito.
"Alam ko na marami pa akong [kailangan] ma-improve bilang isang manlalaro. At siyempre sa team namin, naniniwala rin ako na lahat ay mag-i-improve at lahat ay magtutulungan para sa aming koponan," ayon kay Parallag na isa sa mga waging nakapasok sa volleyball try-out.
Ayon naman kay Sena, isang manlalaro rin na tagumpay na makapasok sa try-out, tila kinakabahan siya sa magiging performance niya sa mga susunod na laro ngunit gayunpaman ay nasasabik umano siya sa mga bagong matututuhan niya bilang isang manlalaro.
Minimithi ng Men's Volleyball Team na makapaglaro pa sa iba't ibang liga upang mairepresenta ang paaralan at mas maihulma pa ang kanilang mga kakayahan sa paglalaro ng volleyball.
"Isa sa mga layunin ng team na makasali sa mga liga at buong pusong mairepresenta ang ating paaralan at makauwi ng panalo para sa ating paaralan," ani pa ni Peralta.
Patuloy pa rin ang pag-eensayo ng mga kwalipikadong manlalaro para sa darating na mga laban ng mga magigiting na atleta.
Kent Eugene Paras | Ang Matuwid
''I-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball, i-shoot mo na ang ball, bumili ka na ng graham ball!'' Mga indayog at himig ng liriko sa musika ng Viva Hot Babes na 'Basketbol'. Ang mga salitang ito ay maaari kong maihalintulad sa buhay ng isang estudyante na pinagsasabay na parang timbangan ng katarungan ang pagbebenta ng graham balls at pagiging hari ng court sa aming paaralan.
Nang ibinuhos ng Diyos ang mga biyaya galing sa aliwalas ng langit at mapungay na mga ulap ang mga biyaya, tila ay nasalo lahat ng binatang si Kian Francisco ang mga pagpapala na siya'y mapalad na pinili. Pursigido..Determinado..Masipag..Kwela.. at Produktibo.. Ito ang mailalarawan ko sa katangiang taglay ni Kian at tunay na kampeon sa buhay!
Sa pagtungtong niya ng edad na 15 taong gulang, sa isang dapit-hapon ay nagtungo siya sa court na ilang hakbang lang ang layo sakanila, dahil sa usisa at liksi ng kaniyang isip na maglaro at paikutin ang bola sa kaniyang mga palad. Ngunit, tila may agam-agam sa kaniyang isip na wag ituloy ang pagtuklas na pumukaw sa kaniyang diwa. Sa kabila ng agam-agam ay para bang hinahatak ng batobalani ang kaniyang damdamin upang magpabalik-balik sa court na ninanais ng kanyang isip at damdamin.
Sa paglaon ng ilang mga sinag ni pebo, lagi na siyang bumabalik sa lugar kung saan ang bola ang itinuturing na kaibigan ng mga manlalaro sa ring. May mga pagkakataong pinagkakaitan siya ng kapalaran at may mga pangyayaring siya'y namamaliit kahit na walang imik ngunit may daing ang mga piping damdamin ng kaniyang kampo. Tila'y wala siyang naii-ambag sa kanilang tropa kung kaya't hindi maiwasang pasanin ang pagkabigo na parang pinagbagsakan ng langit at lupa sa hapis na binabalot ang diwang naninindigang patuloy lang, laban pa.
Sa kabila ng mga hapis na sa kalooba'y kumintal, hindi nagpatinag si Kian sa mga hamong ibinukal sa kaniya ng mundo. Nagsilbi niyang tabak ang mga ito upang magsanay at subukin ang sarili upang isang maging malakas at taglayin ang angking husay na kaniyang inaasam. Sa pagdaan ng nga buwan ay dama na ang agad na paglinang sa kanyang kahusayan at nagsisimula na ring ibigay sakaniya ng mundo ang rurok ng mga mumunting tagumpay na hinahangad niya. Ang kampo niya ay mainit nang nagpapaabot ng mga pagbati sa kaniyang ipinamamalas na liksi at sigla sa bawat larong kanilang pinaglalabanan.
Dumatal ang pebo na sinumpaan ang kanyang damdamin na maging adhika na ang paglalaro. Pinroseso sa isipan nang mabuti na hasaing mabuti ang kaniyang sarili sa magbabanat ng kaniyang buto at subukang umanib sa mga liga ng manlalaro at sa mga iskedyul ng pagsasanay. Nang ibinigay na sa kaniya ng tadhana ang magandang kabanata ng pagsisimula, hindi pa rin maiiwasan na muling ibalik ng panahon ang nakaraan lalo na't kapag kakaiba ang pwersa ng kanilang katunggali. Karamihan ay nasa rurok na siya ng tagumpay kaya't madalas na ang pagbati at papuri ng kaniyang mga kasama higit na lalo ang kaniyang dedikadong sarili sa paglalaro.
Nagsilbi nang maliksing batobalani sa kanyang katawan ang paglalaro ng basketbol, kapag may mga araw na hindi kumpleto ang kaniyang mga ginagawa at kung minsa'y dinadalaw ng mga hilahil at kalungkutan, basketbol lang ang katapat nyan! Kahit pa siya'y mag-isa lamang sa court todo ang pagpapasok ng bola sa inaasam-asam na puntos ng ring. Kaantabay ng gawain niyang ito, nalilimutan niya ang mga hapis na kaniyang dinadala sa buhay at mas nagiging matatag pang lalo. Naging liwanag din ang basketbol sakaniya upang makapaghanap ng kapayapaan at kasaganaan sa kaniyang pang araw-araw na pumumuhay.
Bukod sa liwanag at ikot ng bola na naging bahagi ng kaniyang buhay, may ilan pang libangan si Kian sa araw-araw. 'Bili na kayo ng Graham ball!' Mga tinig sa tatlong palapag ng aming paaralan. Kada pagsapit ng alas tres ng bukang liwayway ay banat na ang buto upang maghanda sa pagtungo sa paaralan. Pagkatapos mag-asikaso, bag check muna!
Bolpen para sa Sipnayan, Check! Kwaderno sa Agham, Check! Isang buong papel para sa Filipino, Check! Teka, parang may nakalimutan yata siyang bitbitin? Aha, ang Graham balls na lagi niyang tangan, check na check! Ayan, Ready na siyang pumasok sa paaralan bitbit ang mga bolang matamis na parang 3 puntos ang katumbas sa bawat pag shoot niya ng bola sa ring.
Pagkatapos ng mahabang pakikibaka sa eskwela, pagkarating sa bahay, hindi pa oras ng pahinga. Oras na para gumawa ng mga Graham balls na ibebenta pa sa masa kinabukasan. Mga pagtatampisaw ng 'crushed graham, condensed na gatas, at mga ulap sa lambot ng marshmallow na kay sarap pisil-pisilin sa tupperware at ang mahiwagang pagmamasa ng kaniyang mga palad upang magawa ang kaniyang matamis na Graham balls. Kada araw, kumikita siya ng nasa 150 pesos na sa pagbebenta ng graham balls na kaniyang ginagamit at itinatabi para sa kaniyang iba pang mga gastusin.
Hindi lamang sa basketbol nagkaroon ng suliranin si Kian, ang pagbabalanse at pag tatantsa ng oras ay naging kalaban din niya sa kaniyang paggawa lalo na't pinagsasabay niya ang pagbebenta, paglalaro at pag-aaral. Isa si Kian sa huwarang estudyante ng kanilang baitang at laging nangunguna sa mga resitasyon at may karangalan pa!
Tinuturing niya na tagumpay ang bawat pagpasok sa ring ng bola ang kaniyang mga natatamo sa buhay. Ang mga matatamis na graham balls na nagsisilbing tamis at lasap ng mga galak at tuwa na kaniyang nakakamtan. Kada pagtahak sa court, paaralan, at tahanan, Iba-iba man ang naging paghubog ng kasanayan ngunit isa ang sa kaniya'y hindi humadlang. Ang paikutin ang takbo ng kaniyang buhay na parang mga bola sa kaniyang palad at pagmamasa ng mga problema't suliranin na parang graham balls upang magtagumpay sa buhay. Ang pag shoot ng problema sa ring na tila ay napagtagumpayan natin ang problema sa ating buhay at ang pagmamasa sa mga pait at tamis ng graham balls na patuloy na dumarating sa ating buhay. "I-shoot mo, i-shoot mo, i-shoot mo na ang ball, i-shoot mo na ang ball, bumili kana ng graham ball!”
Melody Atillano | Ang Matuwid
Sa ilalim ng makapal na alikabok, tahimik na naghihintay ang isang pares ng sapatos na tila ba nakalimutan na ng panahon. Hinubad ito mula sa mga paa ng tagumpay. Maraming taon na ang nakalipas, at mula noon, hindi na muling nasilayan ang liwanag ng araw. Punit na swelas at gasgas na balat ay patunay ng mahabang laban na sinuong nito noon. Sa kabila ng kalumaan, nananatili itong puno ng kwento—isang kwento ng pangarap, sakripisyo, at pag-asa na muling mabubuhay sa ilalim ng paa ng isang batang nangangarap.
Isang araw, natagpuan ito sa tambak ng mga gamit na akala’y wala nang silbi. Sa gitna ng tagpi-tagping materyales, nagningning ang isang munting pag-asa. Maingat itong hinaplos, nilinis ang mga natuyong putik, at inalis ang mga naipong alikabok. Habang tinatanggal ang bawat bakas ng kalumaan, tila naririnig ang tahimik nitong panawagan: "Bigyan mo ako ng isa pang pagkakataon." Nang isinuot ito ng isang atleta, sumikip man ito at nagdulot ng hapdi, hindi iyon naging hadlang. Ang sapatos na minsang isinantabi ay muling naging kasangkapan sa pagsisimula ng isang panibagong laban.
Sa bawat araw ng ensayo, nagiging saksi ang sapatos sa hindi matatawarang dedikasyon ng batang atleta. Naging kalaro nito ang mga batong umaalog sa loob ng bulsa ng sapatos tuwing tumatakbo, at naging kasangga ang basang damo tuwing umuulan. Kapag nasisira ang swelas o napupunit ang gilid, kaagad itong inaayos gamit ang mga materyales na halos tumutol sa tawag ng panahon. Kahit ilang beses na itong nagmakaawa sa ilalim ng mga paa, nanatiling matatag ang sapatos na para bang sinasabi nito, "Huwag kang titigil. Kasama mo ako hanggang dulo.”
Dumating ang araw ng paligsahan, at muling humarap ang sapatos sa pinakamalaking hamon. Sa bawat hakbang ng atleta, parang buhay na buhay ang lumang sapatos na ito. Sumasalamin sa bawat pangarap na kanilang nilalabanan. Ang bawat punit at gasgas nito ay naging palamuti ng lakas, at ang bawat yabag ay naging melodiya ng tagumpay. Nang marating ang dulo ng takbuhan, nagpalakpakan ang madla, ngunit ang pinakamatamis na tagumpay ay tahimik—ito ang sapatos na tila sumigaw ng "Nagtagumpay tayo.”
Sa ilalim ng lahat ng medalya at tropeo, may isang sapatos na naging haligi ng kwento. Hindi ito nabigyan ng pansin ngunit ito ang naging simbolo ng pagtitiyaga at pag-asa. Lumang sapatos na minsang itinuring na walang silbi ay naging bahagi ng tagumpay na hinding-hindi malilimutan—isang kwento ng lakas na nakabalot sa bawat sugat, isang kwento ng tagumpay na isinulat sa bawat hakbang.