Isang Panloloko sa Bayan?
Isang Panloloko sa Bayan?
Isang panibagong yugto ng politika o isang panibagong yugto ng kalokohan? Nagsimula ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga tatakbo para sa election 2025 noong ika-1 ng Oktubre ngayong taon at nagtapos noong ika-8 sa parehas na buwan. Parang isang malaking teatro ang bansa, kung saan ang mga artista, influencer, at syempre, ang mga pamilyang naghahari sa politika ay naghahanda para sa kanilang malaking pagganap. Pero teka, hindi ba nagiging isang malaking kalokohan na ang ating sistema? Sa totoo lang, hindi ako kumbinsido sa mga naghahain ng COC. Parang isang malaking panloloko sa bayan ang sistema ng politika natin. Sa halip na paglingkuran ang mamamayan, tila ba ang daming nagnanais na mag-angat ng sarili at ng kanilang mga pamilya. Nakapagtataka rin dahil ang daming nagsulputang nais tumakbo. Hindi laro ang politika. Ito ay seryosong gampanin at kailangan namin ng matinong lider.
Tila isang "family business" ang pulitika sa Pilipinas. Ang mga anak, kapatid, pinsan, at iba pang kamag-anak ng mga politiko ay nagiging kandidato rin. Hindi ba nakakainis? Parang isang malaking biro na lang ang paglilingkod sa bayan. Ang pamilya Santos, na tila nagmamay-ari ng Batangas, ay naghain ng COC. Si Vilma Santos para sa gobernador, si Luis Manzano para sa bise gobernador, at si Ryan Recto ay nakisali sa laro para sa konggreso. Kasama pa si Finance Secretary Ralph Recto. Parang isang family reunion ang COC filing! Isang pamilya na nag-uunahan sa pag-angkin ng kapangyarihan. Paano na ang Pilipinas n'yan kung magkakapamilya ang uupo? Umaapaw na naman ang kamayaman na mapupunta sakanila na ating mga dugo't pawis. Papayag ba kayo non? Malamang hindi kaya tigilan na ang pagiging mangmang at imulat ang mga mata.
Hindi na rin nakakapagtaka na ang mga artista at influencers na sumasali sa politika. Parang isang bagong henerasyon ng mga politiko ang lumilitaw. Pero teka, bakit ba sila nagnanais na maglingkod? Ang mga taong ito ay kilala sa kanilang kagandahan, talento, at popularidad. Pero sapat na ba iyon para maglingkod sa bayan? Ang pagiging artista o influencer ay hindi sapat na kwalipikasyon para sa pulitika. Nakakalito at nakakaalarma ang pagpasok ng mga artista at influencers sa pulitika. Parang napakadali para sa kanila na mag-angat ng sarili at magkamit ng kapangyarihan. Hindi ba nila naiisip ang responsibilidad na dulot ng pagiging isang politiko? Hindi ito simpleng pag-iisip ng content sa social media, ito ay paglutas sa mga problema ng bayan. Si Aljur Abrenica at si Rosmar Tan, dalawa lamang sa mga halimbawa. Pero teka, bakit ba sila nagnanais na pumasok sa politika? Talaga bang kaya nilang harapin ang mga tunay na problema ng bansa? O kaya naman, alam nilang madali lang ang manalo sa politika? Sila ay mga kilala at tunay na hinahangaan ng marami kaya't siguro naisip nila tumakbo dahil napakadaling sumungkit ng mga boto ng mga mamamayan. Kailangan natin ng tunay na maglilingkod, hindi ang panggulo lamang. Ang gulo gulo na nga ng Pilipinas, nakikigulo pa!
Maraming nagsasabi na ang edukasyon at karanasan ay mahalaga sa pagiging isang politiko. Ang daming naghahain ng COC na wala namang sapat na edukasyon at karanasan. Tignan mo na lang si Deo Balbuena, kilala bilang “diwata” ang pang-apat na nominado ng Vendors Party-list. Sabi niya, alam niya ang mga isyung kinahaharap ng mga street vendor dahil siya mismo ay isang vendor. Pero teka, sapat ba ang personal na karanasan para maglingkod sa bayan? Nakukulangan ako sakan'yang plataporma. Nakakatawa isipin na apat hanggang limang taong degree ang kailangan para makakuha ng trabaho na mababa ang sweldo, samantalang sa pagtakbo bilang politiko kailangan lamang na mamamayan ng Pilipinas ang isang tao na marunong magbasa at sumulat. Dahil d'yan dumadagsa tuloy ang kahit na sino para tumakbo. Dapat taasan ang kwalipikasyon dahil paano uunlad ang bansa kung mismo ang nakaupo hindi alam ang gagawin, hindi alam kung paano masosolusyunan ang problema. Kailangan ng solusyon, hindi problema.
Bilang mag-aaral ng Judge Feliciano Belmonte Sr. High School, ang magagawa natin sa ngayon ay ang pagpapalaganap ng katotohanan. Dapat nating imulat ang mga kamalayan ng mga kilala natin na boboto. Hindi tayo dapat magpabaya. Kailangan nating magising sa katotohanan. Hindi dapat natin hayaan ang mga taong walang sapat na kwalipikasyon ang umangkin ng kapangyarihan. Dapat nating ipaglaban ang ating karapatan. Dapat nating ipakita sa mga politiko na hindi tayo mga mangmang. Dapat nating ipakita na kaya nating mag-isip nang tama at magdesisyon nang tama. Sabihan ang mga magulang, nakatatandang kapatid, tito at tita, lolo at lola at ang sino pang mga kakilala upang simulan ang pagbabago sa sistema ng Pilipinas at matapos ang korapsyon. Nang sa gayon, maibigay ang nararapat na serbisyo at matigil ang walang kwentang pamumuno sa Pilipinas. Simulan natin ang pagbabago.
Ang politika ay hindi isang laro. Ito ay isang serbisyo sa bayan. Ito ay isang seryosong responsibilidad na dapat ipagkatiwala lamang sa mga karapat-dapat at may kakayahan. Simulan natin ipaglaban ang isang mas mahusay na sistema ng pulitika. Ipaglaban ang mga karapatan ng mga mamamayan at ang kapakanan ng ating bansa. Hindi na tayo dapat magpabaya. Ang hinaharap ng ating bansa ay nakasalalay sa ating mga kamay. At sa mga naghain ng COC, dapat ay malaman ninyo na ang pagiging isang politiko ay hindi isang biro, ito ay isang malaking responsibilidad. Hindi ito isang pagkakataon para magkamal ng yaman o mag-angat ng sarili. Ito ay isang pagkakataon para maglingkod sa bayan. Kung hindi ninyo kaya, huwag na kayong mag-apply. Huwag ninyong lokohin ang bayan. Huwag ninyong samantalahin ang aming pagtitiwala.