Isa sa mga kasiyahan ng Pet lovers ang makitang malusog, makulit at maamo ang kanilang mga alagang hayop. Nakabuntot ang mga ito sa kung anong bagay ang ating gagawin o mapa tulog man. Ngunit nakasisiguro ba tayo na ligtas ang ating mga alaga sa anumang sakit at ligtas ba tayo sa mga oras na sakaling tayo ay makalmot o makagat ng mga ito?
Mahalagang may kaalaman tayo pagdating sa ganitong paksa, kung saan maari tayong makakuha ng Rabies mula sa ating mga alaga kung sakaling sila ay ay nahawaan o mayroong rabies at tayo'y nakalmot o nakagat ng mga ito.
Ang rabies ay isang malubhang sakit na pwedeng mag resulta sa kamatayan. Ang rabies virus ay nakakaimpeksyon sa central nervous system. Ang mga tao ay maaaring makakuha ng rabies kung sila
ay madikit sa laway ng isang naimpeksyong hayop, halimbawa sa pamamagitan ng kagat o kalmot, at hindi nakakatanggap ng kaagarang medikal o bakuna para sa rabies. Ang mga sintomas ng Rabies ay ang mga pagkalito, kakaibang pag-uugali, guni-guni, hirap sa pagtulog at pagkatakot sa tubig.
Inihayag ng Department of Health na malaki ang itinaas ng kaso ng rabies ngayong taong 2024, kung saan nakapagtala sila ng nasa 169 cases noong buwan ng Mayo, mas mataas kaysa sa mga naitalang impeksyon noong parehong buwan, taong 2023. Ayon sa pahayag ng DOH, ang kabuuang naitalang kaso ng rabies sa mga tao mula Enero hanggang Mayo 2024 ay 13% na mas mataas kaysa sa 150 na mga kaso na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Nakababahala ang kaso ng Rabies na naitala ngayong taon. Dapat pagtuonan ng pansin ang pagbibigay ng mga bakuna, lalo na sa mga kapos-palad na hindi kayang maipabakuna ang kanilang mga alaga at gayun na rin sa mga stray cats and dogs.
Mga posibleng solusyon sa pagsugpo ng Rabies ay katulad na lamang ng pagbabahagi ng kamalayan at edukasyon ukol sa rabies at pangangampanya. Mahalaga ang patuloy na edukasyon at kampanya hinggil sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa rabies sa mga alagang hayop. Dapat magkaroon ng mga programa o aktibidad na naglalayong magbigay ng impormasyon sa mga pet owners hinggil sa sakit na ito at kung paano maiiwasan. Dapat din ay maglaan ang pamahaalan ng sapat na pondo na maaaring makapagpatayo ng mga libreng klinika para sa pagbabakuna laban sa rabies upang matulungan ang mga kapos-palad na hindi kayang magbayad para sa bakuna ng kanilang mga alaga.
Sa pamamagitan ng tamang kaalaman at pagtutok sa pagsugpo ng rabies, maaari nating mapanatili ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga alagang hayop at pati na rin ang ating sarili. Mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa sa pagpapalaganap ng impormasyon at pagbibigay ng suporta sa mga hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng rabies. Sa ganitong paraan, maaari nating mapanatiling ligtas at malusog ang ating mga alaga at ang ating komunidad.