"Napakadaling sabihin, ngunit napakahirap gawin"
Gawain dito, gawain doon, gawain sa tahanan, at gawain sa eskwelahan. Mabilis ang takbo ng buhay ng bawat isa, lalo na bilang estudyante na abala sa aking mga gawaing nakakapagtuyo ng aking tubig. Madalas ay hindi na napagtutuunan ng pansin kung nakakainom pa ba ako ng tubig. Ang hirap kumompleto ng walong basong tubig kada-araw, nakababahala! Dahil sa hindi pag-inom ng tubig, ito ay maaaring magdulot ng dehydration, o ang kawalan ng sapat na likido sa katawan. Na ang akala ko ay simple o hindi malalang kondisyon, ngunit may malaking epekto sa aking kalusugan.
Isang kondisyon ang dehydration na nangyayari kapag mas maraming tubig ang nawawala sa katawan. Ang katawan ay binubuo ng mahigit 60% tubig, kaya para sa tamang pagganap ng bawat sistema sa katawan, mahalaga ang balanseng dami nito. Kaya kung kulang ay paano gagana ang aking isipan? Paano na ang mga gampanin na dapat gampanan? Mga takdang aralin na nalalapit na ang pasahan ngunit ako nama’y naghihingalong habulin ang pasahang ito.
Ayon kay Doctor, Regina Victoria Boyles isang pediatrician, Iba't ibang salik ang maaaring maging sanhi ng dehydration, isang kondisyon na dapat ay hindi isawalang-bahala bagkus ay dapat aksiyonan. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang kakulangan sa regular na pag-inom ng tubig, lalo na sa ilalim ng nag-aalab na init ng araw o kapag ang katawan ay nakasubsob sa mga pisikal na gawain. Sa bawat patak ng pawis na pumapatak mula sa init ng panahon o tindi ng gawain, unti-unting nauubos ang mahalagang tubig na bumubuhay sa aking katawan. Sa pag-ahon ko, tila’y ang tubig sa aking katawan ay wala na.
Dagdag pa niya, ang isang epektibong paraan upang bantayan ang antas ng tubig sa katawan ay sa pamamagitan ng pagmamasid sa kulay ng ating ihi. Ang mapusyaw at malabnaw na kulay nito ay tanda ng sapat na likido sa ating sistema. Ang madilim at matingkad na kulay naman ay nagpapakita na nangangailangan ng dagdag na tubig ang ating katawan upang patuloy na umalab ang ating kalusugan at sigla. Na akala ko’y normal lamang na matingkad ang aking inilalabas ngunit sa likod ng tingkad na ito ay siyang nakakabahala.
Tuyong bibig, pagkauhaw, at pagkatuyo ng balat. Iyan ang mga ilang sintomas ng dehydration. Kapag malala na ay mas nagiging malubha pa na maaaring makaranas ng panghihina, pagkahilo, mabilis na tibok ng puso at paglubog ng mga mata. Kung hindi maaksiyonan, maaaring humantong pa ito sa heatstroke. Kaya't dapat hindi na humantong sa ganito. Pag-inom ng tubig ay gawing libangan.
Panganib ang nakaamba sa kakulangan ng tubig sa ating katawan, madali lamang itong maagapan. Kailangan lamang ng walong basong tubig upang maiwasan. Hindi nangangailangan ng gamot dahil tubig lang ang kailangan. Sa aking pagtuklas, tiyak na mapapasabi ako na “Tubig is Life!”.
Sa konklusiyon, huwag hahayaang humantong pa sa dehydration. Sa simpleng hakbang tulad ng pag-inom ng sapat na dami ng tubig at pagkonsumo ng mga pagkain na sagana sa likido, maaari nating maiwasan ang mga panganib na dulot nito. Katawan ay huwag pabayaan, panatilihing matatag ito sa bawat laban. Kapag papasok sa paaralan, payong ay buksan, isipan ay lawakan, at tubig ay huwag kalimutan.