Abby Osic | Ang Matuwid
Paano magkakaroon ng pagkakaisa ang isang bansa kung ang mga tao ay walang pakialamanan?
Noong nabalitaan ko ang tungkol kay Guo Hua Ping, o mas kilalang Alice Guo, nalungkot ako. Hindi natin namamalayan na nakapasok na pala sa bansa natin ang isang espiya na maaaring magpahamak sa Pilipinas.
Ngunit, inis ang sumiklab sa akin nang makita kong hanggang sa ngayon ay narito pa rin siya sa Pilipinas, at ang mas nakababalisa ay tila mayroon pang ibang mga Pilipino na sumusuporta sa kan’ya. Ano ito? Bakit parang nagpapaalipin na tayo sa sarili nating bansa? Hindi dapat sinusuportahan si Guo; sa kabila ng kan’yang mga ginawang masama, tila nagbulag-bulagan ang iba.
Noong ika-19 ng Hulyo, 2024, hindi na dumadalo si Guo sa Senado para sagutin ang mga katanungan patungkol sa kan’yang pagiging espiya at sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO). Ngunit kahit na siya ay dumalo, kasinungalingan pa rin ang kan’yang mga sagot. Kinumpirma na ng National Bureau of Investigation (NBI), na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisang tao lamang batay sa mga fingerprints. Hindi puwedeng magkapareho ng fingerprints ang magkaibang tao, hindi ba? Kaya sigurado akong hindi na siya dumadalo sa Senado dahil hindi na niya kayang takpan ang kan’yang mga kasinungalingan. Ang masakit, posible rin na nakatakas na siya sa bansa. Nakababahala, hindi ba? Kilala siya ng buong Pilipinas dahil sa kan’yang mga kasinungalingan, kaya nakagugulat na nakatakas siya nang ganoon na lamang. Ngunit, hindi rin maikakaila na may mga tutulong sa kan’ya na makalusot—may pera siya, kaya nga't "money always wins," ika nga.
Bilang mag-aaral ng Judge Feliciano Belmonte Senior High School (JFBSHS), ako ay hinanapan ng Birth Certificate para sa enrollment, na talagang pahirapan pa dahil sa mahabang pila. Ngunit si Guo, kayang-kaya niyang pekehin ang impormasyon na dapat ay totoo. Kinumpirma ng Philippine Statistics Authority (PSA), na ang totoong pangalan ni Guo ay Guo Hua Ping, at ang ina na ipinapakilala niyang si Amelia Leal ay walang mahanap na Birth Certificate ang PSA. Dapat bang pagkatiwalaan ang mga ganitong uri ng tao na pati ang simpleng impormasyon ay pinipeke pa? Kahit na bistado na siya, pinipilit pa rin niyang siya ay si Alice Guo.
Hindi ba’t dapat ang alkalde ang maaasahan ng kan’yang mga nasasakupan? Ngunit paano kung maraming kaso ang nakapatong sa alkalde? Ayon kay Senator Risa Hontiveros, may koneksyon si Guo sa mga kriminal, kabilang na si Baofu na may kaugnayan sa kumpanya ni Zhang Ruijin at Baoying Lin, na naaresto sa kasong “largest money laundering case” sa Singapore. Nagbigay ng utos ang Pasig City Regional Trial Court Branch 167 (RTC), laban kay Guo para sa kan’yang ‘non-bailable qualified trafficking case’ na may koneksyon sa operasyon ng POGO. Nahuli si Guo noong ika-6 ng Setyembre, 2024. Subalit, hindi ito sapat; dapat na siyang paalisin mula sa Pilipinas.
Sa kabila ng kan’yang mga nagawang kasalanan, may mga sumusuporta pa rin sa kan’ya. Sa TikTok, maraming bidyo ang nagpapakita sa kan’ya na para bang siya ay isang anghel, ngunit sa likod ng kan’yang magandang anyo, nakatago ang kasamaan. Kaya ang mga nanonood ay nagbubulag-bulagan at pumapanig sa kan’ya. Kung ikaw ay matino at may malasakit sa Pilipinas, dapat kang maging gising sa mga nangyayari sa bansa at magsilbing mata para sa mga bulag.
#