"Hindi MasiSIERRA Kalasag na taglay ng MADRE Ko"
"Hindi MasiSIERRA Kalasag na taglay ng MADRE Ko"
"Hindi MasiSIERRA Kalasag na taglay ng MADRE Ko"
Pilipinas, ang bansa nating mayaman sa kagubatan at sagana sa mga likas na yaman. Kaliwa't kanang mga luntiang bandila ang iwinawagayway ng mga puno sa kagubatan na siyang nag poprotekta sa mga yamang itinatago ng ating bansa.
Saan ka man magtungo sa ating mga probinsya at bayan, tambad at tiyak na masisilayan ang mga bundok na bidang-bida sa gandang inilalatag nito. Isa na sa bida riyan ang ating Sierra Madre, Na siyang pinakamalaking bulubundukin sa ating bansa. Ang mga bundok o bulubundukin ay hindi lamang mahalaga sa ating kalikasan, maging sa mga kalamidad na ating nararanasan taon-taon sila'y ating tiyak na maaasahan!
Sierra Madre, isang hanay ng mga bundok na ating matatagpuan mula sa hilagang bahagi ng ating bansa sa rehiyon ng Cagayan, gigilid sa gitnang bahagi ng Luzon, at magtatapos sa rehiyon at mga probinsya ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon).
Ito ay may sukat na umaabot sa 540 kilometro.
Bukod sa mga katangiang nakapaloob dito hindi lang diyan bumibida ang Sierra Madre! Maging sa kalamidad na hinahagupit ang ating bansa ay kalasag nya lang ang tumatapat!
Ayon sa pag-aaral ng PAGASA ( Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) ay malinaw na inilahad na ang Sierra Madre ay may mahalagang papel sa pagbabawas ng mga bagyo sa ating bansa. Ang bulubundukin ang nagsisilbing kalasag laban sa mga mapanirang hagupit na dala ng mga bagyo.
Binabawasan nito ang mga pinsala na maaaring idulot ng nasabing kalamidad. Ang mga bagyo na dumaraan sa hanay ng Sierra Madre ay nakararanas ng paghina ng lakas ng hangin at pagbagsak ng ulang dala-dala nito. Ito ang nagiging dahilan ng mas mababang tsansa ng panganib na maaaring idulot sa ating mga syudad at komunidad.
Pinoprotektahan din nito ang milyun-milyong Pilipino, laban sa banta ng mapanghamong kalamidad.
Pinangangalagaan nito ang mga mamamayang naninirahan sa malaking bahagi ng Luzon bahagi na ang mga urbanisadong lalawigan at siyudad kasama ang Metro Manila. Ang papel ng bulubunduking ito ay pinipigilan ang malawakang delubyo na maaari nitong idulot at maraming buhay at ari-arian ang ating masasagip at maisasalba.
Ayon parin sa pag-aaral, bukod sa mga proteksyong hatid ng Sierra Madre patungkol sa pagsagip sa atin sa mga kalamidad, ay hindi pa rin natatapos ang kanyang pagiging bida! Maging sa mga bagay na sumasaklaw ay malaking bahagi ng pangangalaga sa biodiversity o samu't-saring bagay na nabubuhay sa ating kapaligiran at sa malaking bahagi ng kalikasan ay walang humpay pa rin ang kanyang pagtulong at pagmamalasakit sa sambayanan.
Nagsisilbi itong hanging-hingahan sa malaking bahagi ng Luzon. Sinasaklaw nito at binbahaginan ng sariwa at malinis na hangin mula sa maliliit hanggang sa malalaking kagubatan sa iba't ibang panig Luzon. Pinananatili rin nito ang maayos na klima ng bawat rehiyon sa bansa.
Pangangalaga sa mga inuming tubig, patubig at mga plantahan. Binibigyan nito ng maraming suplay ng malinis na freshwater at inuming tubig ang malawak na bahagi ng komunidad at lalawigan hanggang sa mga lupang sakahan at kagamitang pang-agrikultura.
Tunay ngang nakabibilib ang tampok na katangiang hatid ng Sierra Madre sa ating buhay at sa daloy ng ating mundo. Sa kabila ng malaking ambag nito sa ating kalikasan ay humaharap din ito sa mga suliranin gaya ng Deforestation o pagkakalbo sa hibla ng mga puno sa kagubatan at ilegal na pagpuputol ng mga puno. Ang mga aktibidad na ito ay nananamantala sa abilidad ng Sierra Madre na patuloy nyang gampanan ang mahalagang papel nito sa ating kalikasan.
Ating pangalagaan ang Sierra Madre na biyaya at handog ng ating Inang bayan. Ituring natin itong isang mahiwagang yaman na dapat nating pangalagaan at pakaingatan. Huwag nating SIERRAin ang ating Inang MADREng sa ati'y kailanman hindi umalipin. Hindi lamang Luzon ang ang may tabak at kalasag, maging ang buong Pilipinas ay maalagaan ang ating maaasahang dilag!