Mary Imma Dano | Ang Matuwid
Suko na ako! Gawa rito, gawa roon, saan ako lulugar? Ano ang uunahin ko—pagsalba sa aking buhay o asynchronous activity?
Patuloy na nakayuko ang mga mag-aaral na tulad ko dahil kasabay ng rumaragasang baha ay rumagasa rin ang mga asynchronous activities. Ika-21 ng Oktubre nang tumama ang Bagyong Kristine sa Pilipinas, at kasabay nito ang sunod-sunod na pagkansela ng mga klase sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Sa patuloy na pagkansela ng klase dahil sa masamang panahon ay siya ring pagdami ng mga gawaing ibinibigay ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Kung ang iba ay nagpapahinga at natutulog nang mahimbing dahil sa masarap na malakas na hangin at pag-ulan, kabaliktaran naman ito sa mga estudyanteng tulad ko. Walang oras na kami ay nagpahinga dahil sa tambak na gawain. Tinatayang nasa mahigit 46 ang bilang ng nasawi sa pananalasa ng Bagyong Kristine, ayon sa Office of Civil Defense (OCD), pero kami ring mga estudyante ay mamamatay na sa kakagawa ng sandamakmak na gawain.
Ayon sa Department of Education (DepEd) Order No. 037, kahit na kanselado ang pasok dahil sa masamang panahon o sakuna, nararapat pa ring ipagpatuloy ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral kahit nasa bahay—sa pamamagitan ito ng pagbibigay ng mga asynchronous activity. Mas mabuti pa yatang pumasok na lang sa paaralan at makipagsapalaran sa malakas na ulan kaysa manatili sa bahay at gumawa ng sandamakmak na gawain mula sa walong asignatura. Paano na lamang ang isang mag-aaral na tulad ko na walang internet connection at walang maayos na lugar sa paggawa?
Ang tanong ay makakaya kaya ng mga estudyante ang malabundok na gawain dahil sa sabay-sabay na pagbibigay ng mga guro mula sa walong asignatura. Isang pasakit ito para sa mga estudyante, lalo na sa mga mag-aaral na lubos na naaapektuhan tuwing may kalamidad dahil sa natatangay ng malakas na hangin ang kanilang mga bubong kaya’t walang sapat na lugar sa paggawa. Gayundin sa mga mag-aaral na walang internet connection na hindi alam na may binigay na gawain pala ang guro kaya naman pagpasok nila sa kanilang paaralan ay wala silang maipapasang gawain. Ilan lamang ito sa mga dapat intindihin at bigyang pansin.
Hindi dapat magpagawa ng mga asynchronous activities kung ang klase ay suspendido dahil sa sakuna. Mas uunahin pa ba naming mga estudyante ang mga asynchronous activities kaysa sa unos na aming kinakaharap? Mas uunahin pa ba namin ang aming libro at takdang-aralin kaysa sa kapakanan at kaligtasan namin? Kung ang mga estudyanteng gaya ko ay walang matinong tirahan at pinagtagpi-tagping butas-butas na yero lamang ang aming bubungan, saan pa namin ilulugar ang paggawa? Nabawasan man ang aalalahanin naming mga estudyante sa pagkansela ng klase dahil hindi na namin kailangang isipin pa kung paano makikipagsapalaran sa baha at madulas na daan, hindi ibig sabihin nito na wala na kaming gagawin sa kaniya-kaniya naming mga bahay. Pagsalok sa baha, pagsalo sa tulo ng bubong, paggawa ng aktibidad na ibinigay ng guro—iyan ang mga pangunahing ginagawa ko sa aming tahanan sa sandaling makansela ang klase. Ang salitang “pahinga” ay hindi uso para sa mga mag-aaral na tulad ko.
Walang karagdagang kaalaman at hindi pagkatuto ang pagbibigay ng asynchronous activity kundi stress at pagkagulo ang naidudulot nito. Nahahadlangan nito ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan ng mga estudyante dahil pati ang simpleng pagkain at pagtulong ay hindi na nila nagagawa. Kailangan kasing unahin ng mga estudyante na gumawa at makapagpasa ng mga aktibidad sa guro dahil maaaring maapektuhan ang kanilang grades kung sila ay hindi makakapagpasa sa tamang oras. Nakapagpasa nga ay hindi naman nakakain at nakatulog sa tamang oras. Ayon sa National Sleep Foundation, ang isang tao ay nangangailangan ng pito hanggang siyam na oras ng pagtulog bawat gabi, ngunit karaniwan ngayon sa mga estudyante ay apat hanggang limang oras na lamang. Nakakaapekto ito sa kanilang pag-aaral na maaaring maging sanhi sa pagkawala nila ng pokus at konsentrasyon sa pag-aaral.
Hindi lamang pag-aaral at grades ang mahalaga kundi pati na rin ang kalusugan ng mga mag-aaral at dapat na isaalang-alang ang kalagayan ng bawat estudyante. Kung may negatibong epekto ang asynchronous activity, nararapat na iayon na lamang ang pagbibigay nito sa panahon at kalagayan ng mga mag-aaral. Hindi lahat ng mag-aaral ay makakayang gawin ito dahil iba-iba ang pinagdadaanan nila. Maaaring ang iba ay may mga kagamitan para makagawa ng asynchronous activity tulad ng gadget at internet connection, at ang iba naman ay wala. Gayundin, maaaring ang iba ay may sakit dahil sa masamang panahon kaya't hindi nila magagawa ang mga gawain.
Hindi ko sinisisi ang mga guro, ang intensyon ng institusyon, o ang masamang panahon para sa sandamakmak na pasanin ng bawat estudyante. Ngunit hindi maikakaila ang umaalingasaw na sistema. Tanging hiling ko lamang ay unawa at konsiderasyon mula sa nakatataas dahil sa harap ng unos, hindi lamang ang langit o ang bubungan ang umiiyak kundi pati na rin ang mga pag-asa ng bayan dahil sa hindi mapagsabay-sabay na mga gawain. Hindi masasalok ng kahit anong balde ang aming pasanin, at tanging balikat lang namin ang bubuhat sa iba’t ibang asynchronous activities mula sa iba’t ibang asignatura.
Nararapat lamang na intindihin ng mga nasa itaas ang kalagayan ng bawat mag-aaral dahil sa bawat pagpatak ng ulan ay siya ring pagpatak ng aming luha. Hindi na namin alam kung ano ang aming uunahin. Tanging tanong na lamang sa aming mga sarili ay kung “mahalaga ba ang sariling buhay o mas mahalaga na ako ay may maipasang asynchronous activity sa panahon ng sakuna?” Isa lang ang aming katawan—hindi dalawa, tatlo, o higit pa—para sa sandamakmak na gawain.