Kring! Kring! Kring! Iyan ang mga boses at tila hagulgol ng mga kampana sa aming paaralan, recess na! Oras na upang magpahinga! Ang oras na hinihintay at inabangan ng bawat mag-aaral sa Hukom. Sa loob ng paaralang Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS), sa bawat panig at sulok ng aming ikalawang tahanan saan man pumaling at lumiko ang iyong katawan ay tiyak akong hinding hindi mo pagsisisihan! Magmula sa mga masisigasig at tila mga diyamanteng nagkikinangang kasuotan dahil sa tingkad ng mga unipormeng nakapulupot sa katawan ng bawat Feliciano, mga nagsisitaasang gusali at ang mga silid na puno ng halakhak at hagikhik ng bawat mag-aaral na tila ba mga sinag ng araw na nagbibigay ng liwanag at gabay sa bawat pangarap ng bawat isa, sinabayan pa at ginagabayan ng mga guro na walang sawang nagtuturo at tila mga nagsisilbing tulay papalabas sa madilim na yungib ng kahirapan.
“Bugtong-bugtong, may dahon ay ‘di halaman, maraming mukha'y walang buhay, ngunit ang laman ay punong-puno ng karunungan.” Pass! Iyan nalamang ang lumabas na mga kataga sa aking bibig ng matapos na bigkasin ni Felice A. Na, ang bugtong na bumagabag sa aking kaisipan, ang kaniyang binitawang salita ay tila ba’y mga liriko sa isang awiting paulit-ulit na tumutugtog at umaalingawngaw sa likod ng aking isipan. Ang isang bugtong na nagpatindig at nagpayanig sa aking mga kalamnan, ang bugtong na unti-unting nasisindihan sa aking pusong Felician.
Sa likod ng mga ngiti, hagikgik at mga masisigasig na Feliciano kitang kita ko ang mga pagod at puyat sa mga matang kumikinang sa bawat mag-aaral na nakakasalubong ko. Isa na ay ang sa kadahilanang nagbago na ang kurikulum, ang pag-implimenta ng patok na patok at pinag-uusapang balita na mas mainit pa sa kumukulong mantika, ang DepEd Matatag Curriculum. Isang programa na kung saan ay mas tinututukan ang paghubog ng kakayahan at ang pagbabawas ng aralin sa isang asignatura, ngunit sa likod ng programang ito na dapat sana'y makatulong sa iba, tila ba'y ito pa ang unti-unting sumisira sa pangarap ng iba.
Sa loob ng isang taon na pag-implimenta ng naturang programa, unti-unti ring lumabas ang mga balakid at mga negatibong epekto nito sa bawat isa. Hindi lamang para sa mga guro ngunit lalong lalo na para sa mga mag-aaral, ang mga mag-aaral sa Hukom ay tila ba mga gintong unti-unting natutunaw sa dami at bigat ng mga gawain. Gawa rito gawa riyan, sulat dito sulat diyan at basa rito basa riyan. Iyan ang mga gawaing tila sirkulasyon lamang sa buhay ng bawat isa, kagaya ng ginto sa bawat pagdaan at paragasa man ng problema ay hinding hindi natitibag ang kakayahan at katatagan ng bawat Feliciano, kagaya ng isang ginto na kung tumagal ay mas tumataas ang halaga. Sa pagtagal ng panahon, unti-unti ring nahuhubog ang bawat kakayahan at kaalamang bumubuo sa pagkatao ng bawat isa.
Kagaya ng isang kadenang hindi matitibag, isang lubid na kung saan ay kayang kaya ka panghawakan ng matagal. Isang kagamitang sumasalamin sa katatagan ng bawat Felician, sa bawat pagsubok na kinakaharap ng bawat Felicano'y tiyak kong may mala tanglaw ang mangingibabaw sa gulo. Isang diyamanteng kulay dilaw at bughaw, ganiyan ko inilalarawan ang aking kapaligiran. Sa bawat paghakbang at yabag ng aking mga paana'y kitang kita ko ang determinasyon at ang mga nag-aapoy na pangarap at pagnanasang abutin ang matamis na tagumpay.
“Bugtong-bugtong, may dahon ay ‘di halaman, maraming mukha'y walang buhay, ngunit ang laman ay punong-puno ng karunungan.” Aha! Iyan ay aklat! Ang aklat na gumagabay at pagbubukas sa puso't isipan ng mga mag-aaral. Isang maliit na bagay ngunit may malaking impluwensya't kakayanang maipabatid, magbukas ng isip at gumabay sa bawat isa. Isang aklat na mag-aangat at ang nagiging pundasyon upang maging isang Felicianong kasing tigas ng diyamanteng nagliliwanag at ginto na kahit kailan man ay hinding hindi matutupok ng nagliliyab na pagsubok at pagmamalabis ng mundong kasing pait ng kapeng robusta kung umasta.