Kailan makakamit, walong oras para sa paghimlay?
KAILAN MAKAKAMIT, WALONG ORAS PARA SA PAGHIMLAY?
“Bugtong-bugtong, mata sa mata, walang kurapan, paligsahan ng titigan, hanggang sa tuyong mata’t walang sigla, ‘pag pumikit, ay siyang talo.” Ano ito? Naisip mo na ba ang sagot? Kung oo, ay masasabi kong kahanga-hanga, ngunit kung hindi naman halika't alamin kung ano ito.
Kakulangan sa tulog o ‘sleep deprivation’ sa Ingles, isang kalagayan na tila normal na sa buong mundo o sa buhay ng isang mag-aaral. Ito ay ang kakulangan sa tulog na isang kondisyon kung saan hindi pagkakaroon ng sapat o kalidad na tulog sa isang araw. Nagdudulot ito ng pagbagsak sa ating pagka-alerto, pagganap sa mga gawain, at sa kalusugan kung hindi maititigil. Maaaring makaapekto ito sa ating pang araw-araw na gawi kung magiging normal na ito sa ating pamumuhay.
Ilang araw na akong walang tulog dahil sa gawaing aking hindi matapos-tapos. Kaagapay ang aking kape para lamang hindi pumikit ang aking mata nang tuluyan. Sa paglipas ng oras, ang katawan at kalusugan ko naman ang kapalit na tila ay nanghihina at wala nang maramdaman sa sarili. Iidlip ngunit parang pumikit lang ng sandali ang pagod kong mga mata. Pagmulat ko, selpon agad ang aking kinuha, bungad ang notipikasyong paalala, “Ayon sa pag-aaral ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang kailangan na tulog ng katawan ng isang tao ay pito hanggang siyam na oras upang suportahan ang ating katawan”.
Oras na ng pasukan, at tanong ko sa sarili “Kakayanin ko ba? o itutulog ko nalang 'to” ngunit hindi ako maaaring lumiban dahil may mga kailangang ipasa sa paaralan. Sa eskuwelahan, ang paksa namin ay tungkol sa kalusugan at epekto ng pagpupuyat. Ngunit saglit lamang ay nakatulog na lamang ako dahil sa sobrang pagod, sakit ng aking ulo at tila'y wala na akong maintindihan sa mga itinuturo ng aking guro, senyales ng mga epekto ng kakulangan sa tulog na aking ikinababahala.
Ayon kay Dr. Nick Villalobos, MD isang ABMS board certified internist, pulmonologist, and clinical assistant professor, kung ang kakulangan sa tulog ay nagpatuloy, maraming negatibong epekto ito sa ating katawan at isipan. Tulad na lamang ng pagkawala ng memorya, problema sa pag-iisip at konsentrasyon, pabago-bagong emosyon, mataas na presyon ng dugo, problema sa balanse, sakit sa puso, at mahinang immune system, at marami pang malalang epekto. Katulad na lamang ng impulsive behavior, anxiety, depression, at suicidal thoughts na nakakabahala kung mangyayari. Lahat ng ito ay bunga lamang ng kakulangan sa pagtulog na may matinding epekto sa ating kalusugan.
Ngayong alam ko na ang epekto nito sa aking kalusugan at pag-aaral, tiyak akin ng pangangalagaan ko na ang sarili ko. Sa pamamagitan ng pagkakaroon ng plano sa aking iskedyul upang hindi ako matambakan ng gawain, pag-eehersisyo araw-araw, at ang pinaka importante sa lahat ay ang mag kakaroon ng oras para sa pagtulog. Dahil dito, napagtanto ko kung saan galing lahat ng aking panghihina. Dahil lamang sa kakulangan sa tulog apektado na nito ang aking buong araw, tiyak na ito ay pambihirang kondisyong nakakabahala.
Ngayon, masasagot ko na ang bugtong na aking narinig at anong mga kondisyon ang pwedeng mangyayari. Sa bawat araw, ang pagtulog ay importante at napagtanto ko na ang aking katawan ay hindi pangmatagalan. Ngayong alam ko na ang kahihinatnan nito, ang pitong oras na tulog ay sapat na upang bigyan ako ng lakas sa isang araw para manatiling aktibo at matatag. Ika nga, ang buhay ay maikli, kaya pangangalagaan ko na ang aking sarili laban sa kakulangan sa pagtulog.