Princess Maryneah C. Mampusti | Ang Matuwid
Sa pagbabawal ng teknolohiya sa edukasyon ay tulad nito ang pagbabawal sa ibon na lumipad–isang pagsupil sa kanilang likas na kakayahan at pagnanais na matuklasan ang bagong kaalaman sa pag-aaral.
Sa gitna ng patuloy na pag-usbong ng teknolohiya, ang pagbabawal sa paggamit ng mga teknolohiyang kagamitan sa mga paaralan ay hindi lamang isang pagpipigil sa kanilang pagkalap sa impormasyon, kundi isang hadlang din sa kanilang potensyal na maging mga makabagong-isip, mga lider, at mga tagapagtanggol ng pagbabago. Ang pagbabawal na ito ay hindi lamang naglilimita sa kanilang kakayahang mag-aral, kundi nagpapahirap din sa kanila na makipagsabayan sa tuloy-tuloy na pagbabago ng mundo.
Ang pagbabawal sa teknolohiyang kagamitan ay isang maling pag-unawa sa papel na ginagampanan ng teknolohiya sa edukasyon. Ayon sa isang pag-aaral ng Global Digital Insights, 86% ng mga pilipino sa kasalukuyan ang may akses sa internet sa kanilang mga tahanan, at 74% na kabataang pinoy ang gumagamit ng smartphone. Ang paggamit ng internet ay nagbibigay sa mga kabataan ng pagkakataong matuto sa kanilang sariling bilis at pamamaraan. Halimbawa, ang mga plataporma ng online na pag-aaral, edukasyonal na aplikasyon, at digital na aklatan ay nagbibigay ng mga interaktibong karanasan sa pag-aaral na hindi maibibigay ng tradisyonal na mga libro at lektura.
Ang mga teknolohiyang kagamitan ay hindi lamang mga kasangkapan para sa pag-aaral, kundi mga kagamitan din para sa pagkamalikhain at pakikipag-ugnayan sa mga tao sa iba't ibang panig ng mundo. Halimbawa, ay nagbibigay ng pagkakataon para sa pakikipag-ugnayan sa mga tao mula sa iba't ibang kultura at pananaw, na nagpapalawak ng kanilang kaalaman sa tungkol mundo. Sa pamamagitan ng mga teknolohiyang kagamitan, ang mga kabataan ay nagkakaroon ng pagkakataon na paunlarin ang kanilang mga talento, magbahagi ng kanilang mga ideya, at makipag-ugnayan sa iba pang mga taong may magkatulad na interes. Ang pagbabawal sa mga kagamitan ay nagiging hadlang sa kanilang kakayahang mag-isip nang malaya, mag-eksperimento, at mag-imbento ng iba't ibang bagay.
Sa halip na ipagbawal ang mga teknolohiyang kagamitan, dapat nating tingnan ang mga ito bilang mga kasangkapan para sa pag-unlad ng kakayahan ng bawat kabataan. Sa isang mundong patuloy na umuunlad, ang mga kasanayan sa teknolohiya ay hindi lamang mahalaga para sa tagumpay, kundi pati na rin sa paghahanda ng ating mga kabataan sa kinabukasan. Ang pagtuturo sa kanila kung paano gamitin ang mga digital na kagamitan nang responsable at epektibo ay magbibigay sa kanila ng kakayahan na mag-galugad, magsaliksik, at makipag-ugnayan sa mas malawak na mundo.
Ang tunay na hamon ay hindi ang pagbabawal sa teknolohiyang kagamitan, kundi ang hindi pagtuturo sa mga kabataan kung paano gamitin ang teknolohiya nang may disiplina at epektibo. Sa halip na hadlangan sila sa teknolohiya, dapat nating turuan sila kung paano ito gamitin para sa kanilang ikabubuti. Mula rito, mas mapapaunlad natin ang mga kabataan at mas mapapakinabangan nila ang mga oportunidad na inaalok ng modernong mundo.
Dapat nating yakapin at gamitin ang teknolohiya upang higit pang mapaunlad ang kaalaman ng mga kabataan at ng ating bansa. Ang pag-unlad ng mga kabataan ay hindi nakasalalay sa pagbabawal, kundi sa pagtuturo ng mga kasanayan na magbibigay sa kanila ng kapangyarihang hubugin ang kanilang sariling kinabukasan.