JFBSHS Kaisa sa Bakuna Eskwela
JFBSHS Kaisa sa Bakuna Eskwela
Matagumpay na isinagawa ang Bakuna Eskwela sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS) noong Oktubre 16, 2024, bilang bahagi ng School-Based Immunization (SBI) program na inilunsad ng Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd).
Layunin ng programang ito na mabigyan ng proteksyon ang mga kabataan laban sa mga vaccine-preventable diseases tulad ng measles, rubella, diphtheria, at human papillomavirus (HPV).
Pinangunahan ng mga guro ng Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH) ang distribusyon ng mga consent form at pagbibigay-kaalaman sa mga magulang tungkol sa kahalagahan ng pagbabakuna.
Ayon sa datos ng paaralan, 207 o 14.79% ng 1,399 mag-aaral sa ikapitong baitang ang nagpabakuna nang may gabay ng kanilang mga magulang.
Ginawang waiting area ang covered court ng paaralan para sa mga magulang at estudyante, habang ang tatlong silid-aralan ay inilaan para sa iba't ibang yugto ng proseso ng pagbabakuna.
Ginamit ang unang silid-aralan para sa screening at pagkuha ng vital signs, ang ikalawang silid-aralan para sa aktwal na pagbabakuna, at ang ikatlong silid-aralan para sa recovery ng mga mag-aaral pagkatapos nilang mabakunahan.
Pinaalalahanan ang mga magulang na patuloy na bantayan ang kanilang mga anak matapos mabakunahan para sa mga posibleng side effects.
Patuloy na ipatutupad ang programang ito sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa ngayong Oktubre 2024 bilang hakbang sa pagpapanatili ng kalusugan ng mga kabataang Pilipino.