Ginanap ang Mass Oath-Taking noong Setyembre 27, 2024, sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School ay nagsilbing hudyat ng pagpasok ng mga bagong lider at miyembro ng iba't ibang organisasyon sa paaralan sa ilalim ng pangangasiwa ng SSLG. kuha ni Ceana Kate T. Damian, Ang Matuwid
Claire Bobis | Ang Matuwid
“Tayong mga lider na estudyante ay tumatanggap ng isang tungkulin — isang tungkuling hindi nasusukat sa kapangyarihang ating tangan, kundi sa bigat na responsibilidad na ating pasan,”
Ito ang binigyang diin ni Neil Brylle P. Garcia, Pangulo ng Supreme Secondary Learner Goverment (SSLG) matapos pormal na nanumpa ang bawat kasapi ng mga organisasyon sa naganap Mass Oath-Taking sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School (JFBSHS) noong ika-27 ng Setyembre, taong kasalukuyan.
Isinagawa ang panunumpang ito sa pangunguna ng mga miyembro ng SSLG kung saan iniluluklok ang mga bagong lider at miyembro ng iba’t ibang organisasyon sa paaralan.
Pinasimulan ang naturang seremonya sa pagbibigay ng pahayag ng mga nanunungkulan sa paaralan kabilang na sina Gng. Maria Gina M. Rocena, punongguro ng JFBSHS, at G. David Montales, ikalawang punongguro sa paaralan.
Kaalinsabay nito, idinagdag pa ni Garcia sa kanyang talumpati ang patungkol sa pagiging isang mapanagutang namumuno at sa pagkakaroon ng malawak na pag-unawa sa ipinaglalaban bilang pinuno.
“Ang tunay na namumuno ay hindi natutukoy sa dami ng kanyang sinabi, kundi sa lalim ng kanyang naiintindihan at sa lawak ng kanyang naipaglaban.” wika nito.
Isinakatuparan naman ng panunumpang ito ay gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at responsibilidad bilang mga lider at miyembro — tungo sa pagkakaisa, pananagutan, at pagpapatibay ng dedikasyon sa larangan ng paglilingkod.