Mary Imma Dano | Ang Matuwid
'Pahinga'—simpleng salita pero mahirap gawin, simpleng gawain pero hindi pa magawa. Pero bakit nga ba?
‘MATATAG Curriculum’—iyan ang inimplementa ng Kagawaran ng Edukasyon. Ayon sa Department of Education (DepEd) at sa dating kalihim nito na si Bise Presidente Sara Duterte, layunin nitong patatagin ang edukasyon ng bawat mag-aaral sa bansa at ituwid ang baluktot na sistema ng edukasyon. Pero sa pag-implementa nito, tila yata ang 'pahinga' ay hindi uso rito. Kami, mga estudyante, maging ang mga guro, ay malapit nang mawalan ng hininga dahil sa sandamakmak na gawain.
Isa sa mga hamon na aming kinakaharap ay ang walong asignatura at 40 minuto bawat isa nito kada araw. Hindi ba't nakakapagod iyon? Halos ituring na naming bahay ang paaralan, at bakasyunan na lamang ang kaniya-kaniya naming mga bahay. Sobra-sobra ang walong asignatura sa isang araw, lalo na't may pagkakataong sabay-sabay itong nagbibigay ng mga gawain. Bilang isang mag-aaral, mas naging malala ang aking sitwasyon nang maimplementa ang MATATAG Curriculum dahil sa pagdami ng gawain at takdang-aralin. Nakakalimutan ko na rin na kumain o magpahinga sa tamang oras dahil sa sunod-sunod na gawain. Ang kailangan naming mga mag-aaral ay walong oras na tulog, hindi walong asignatura sa isang araw.
Ayon sa DepEd, ang MATATAG Curriculum ay ang solusyon para sa baluktot na sistema ng edukasyon. Pero hindi ba dapat na ang solusyon ay solusyon at hindi dapat maging problema ang solusyon? Pero bakit mas pinapalala ng bagong kurikulum ang sitwasyon ng mga mag-aaral na tulad ko at mas nadagdagan pa ang aming pasanin? Nakikita rin ng Kagawaran ng Edukasyon na ang mga estudyante ay 'kulelat' dahil sa inilabas ng Program for International Student Assessment (PISA), na tayo ay nasa mababang pwesto sa iba’t ibang larangang pang-akademiko. Hindi kasalanan ng mga estudyante kung bakit sila ‘kulelat’; ang may kasalanan ay ang mga nasa itaas na sadyang mga bulag sa pagtugon ng tunay na problema sa edukasyon. Dapat na iresolba muna ang maliliit na problema bago ang malakihan—tulad na lamang ng kakulangan sa silid-aralan na, ayon sa DepEd, ay pumalo na sa mahigit 160,000 at hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolbahan.
Hindi lamang mga estudyante ang nahihirapan kundi pati rin ang mga guro. Ayon sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), nais nilang ipahinto ang pagpapatupad ng MATATAG Curriculum dahil masyadong tambak ang trabaho at responsibilidad ng mga guro kapalit ng kakarampot na sahod. Sa halip na solusyon, pagkatuto, at produktibidad ang dulot ng bagong kurikulum, tila nais pa ata nitong pagurin at pahirapan ang mga guro at mga mag-aaral na tulad ko. Dagdag trabaho at aralin din ang ilang mga idinagdag na subjects tulad ng National Reading Program (NRP), National Mathematics Program (NMP), Catch-up Fridays, at iba pa. Gayundin, mahirap ang magturo at mag-aral sa limitado at maikling oras lamang na 40 minuto bawat isang asignatura. Ang ganitong pamamaraan ay maaaring magdulot ng stress, burnout, at pagbaba ng bisa sa proseso ng pagtuturo at pagkatuto. Hindi ito makatutulong sa pagtugon ng problema sa bulok na sistema ng edukasyon.
Mananatiling baluktot at bulok ang sistema ng edukasyon sa bansa kung sa simpleng problema pa lang ay hindi na masolusyunan. Dapat ilagay ng mga nasa itaas ang kanilang mga paa sa posisyon ng mga mag-aaral para naman maging malinaw sa kanila kung ano ba ang dapat nilang gawin upang maituwid at mapabuti ang sistema ng edukasyon. Nararapat lamang na pag-isipang mabuti ang bawat hakbang na gagawin. Mula sa mga hamong kinakaharap sa pag-implementa ng bagong kurikulum, masasabi kong ito ay matatag lang sa pangalan pero hindi sa paraan at pagpapatupad. Tanging hiling lang naming mga mag-aaral at mga guro na sana ay magkaroon ng tunay na solusyon sa problemang kinakaharap namin sa sistema ng edukasyon. Ang masasabi ko lang ay hindi kami ‘robot’ dahil tao kami na may pakiramdam at napapagod din.