SI JOSE RIZAL SA DAPITAN

Si Jose Rizal ay ipinatapon sa Dapitan noong Hulyo 17, 1892. Ginugol niya ang kanyang oras sa mga makabuluhang gawain. Ginamot niya ang mga maysakit. Matiyaga siyang nagsaka at maingat na nagplano ng patubigan para sa mga tanim. Nagturo rin siya ng mga samahang sibiko. Gumawa siya ng ilang eskultura at mga drowing. Sumulat din siya ng mga tula. Lubos siyang hinangaan at iginalang ng mga taga-Dapitan, pati na rin ng kanilang gobernadorsilyo.

Isang araw, nagulat si Rizal nang biglang dumating sa Dapitan si Pio Valenzuela. Ibinalita nito ang pagkakatatag ng Katipunan at ang isang balak na paghihimagsik sa pamahalaan. Binanggit din niya ang alok na ibibigay ni Bonifacio kay Rizal, ang liderato ng Katipunan kung sakaling aanib ang doktor sa kilusang ito.

Biglang tumayo si Rizal at sinabi na hindi pa panahon upang maghimagsik. “Ang binabalak ninyo ay isang kabaliwan. Kung ako ang tatanungin, dapat itigil agad ang inyong balak habang maaga. Sabihin mo kay Bonifacio na dinaramdam kong hindi tanggapin ang kanyang iniaalok.” Nagpasalamat siya at sinabing, “Mayroon pang ibang mapayapang paraan upang makamit ang minimithi nating pagbabago para sa ating bayan.”

Malungkot na umalis sa bahay ni Rizal si Pio Valenzuela. Kinabukasan, naglakbay siyang pabalik patungo sa Maynila.