ALAMIN ANG IYONG KARAPATAN

Ang pagiging mamamayang Pilipino ay pagiging kasapi sa estado. Nangangahulugan ito ng pakikibahagi sa tagumpay at kasawian ng bansa. Kapag nakatamo ang bansa ng tagumpay, nakadarama ng pagmamalaki ang mamamayan. Gayundin, kapag ang bansa ay napipintasan, kalungkutan ang nananaig sa Piipino. Ang pagiging Pilipino ay nagpapahiwatig ng pananagutang maging matapat sa bayan. Katumbas nito, may karapatan ang bawat mamamayan na mabigyan ng proteksyon. Ang pangangalaga sa kalayaan at karapatang tinatamasa ng mamamayan ay isa sa mga pangunahing katangian ng lipunang demokratiko.

Kaugnay ng pagiging mamamayang Pilipino, may mga karapatan ang bawat bata tulad ng karapatang maisilang at magkaroon ng pangalan. Karapatan ng batang maprotektahan laban sa pananakit, magkaroon ng isang pamilya, at magkaroon ng malusog at masiglang katawan. Kasama rin dito ang karapatang magkaroon ng pagkakataong makapaglaro at maglibang. Mahalaga rin sa bata ang karapatan sa maayos at may kalidad na edukasyon. May karapatan ang mga magulang na pumili ng paaralang papasukan ng bata.

Kalakip ng karapatan ay ang tungkulin at pananagutan ng mamamayan. Tungkulin ng mga batang sumunod sa batas ng bansa at sa mga tuntunin sa pinapasukang paaralan. Tungkulin ng mga batang tumupad sa mga utos ng mga magulang. Tungkulin din nilang makibahagi sa kanilang lipunan ayon sa kanilang kakayahan.