KAY DAMING GAWAIN

Maagang naghanda ng almusal si Nanay. Maaga ring gumising si Lita.

“Tutulungan ko kayo, Nanay,” wika ni Lita.

“Anong tulong ang gagawin mo?” tanong ng nanay.

“E, di maghahain po at maghuhugas ng pinggan,’ sagot ni Lita.

“Sana makatulong ka hanggang sa gumaling si Ana. Mahirap ang may sakit ang ating katulong,” wika ng Nanay.

“Kahit po magaling na siya, tutulong pa rin ako,” wika ni Lita.

Pagkatapos hugasan ang pinggan, nilaro ni Lita si bunso upang makapaglaba si Nanay. Mahigit dalawang oras siyang nag-alaga.

Sa gabi, tinulungan niya ang kapatid na gumawa ng takdang-aralin. Maraming tanong ang matiyagang sinagot ni Lita.

“Meron tayong bagong katulong, Miguel,” wika ng nanay sa asawa. “Talaga?,” tugon ni Mang Miguel.

“Tingnan mo si Lita,” wika ni Nanay. “Ipinagmamamalaki ko siya!”

Napangiti si Lita.