KALABANIN ANG DENGUE

Ang dengue fever ay isang kondisyong dulot ng dengue virus. Ang virus na ito ay dala ng ilang uri ng lamok gaya ng Aedes Aegypti. Kagat ng lamok na may dalang dengue virus ang sanhi ng pagkakasakit.

Patuloy na gumagawa ng hakbang ang Department of Health para sugpuin ang dengue. Itong taon na ito, may naitala na mahigit na tatlumpung libong kaso ng dengue. Kailangan na ng gobyernong gumawa ng mga bagong paraan upang maibaba ang bilang ng mga kasong ito.

Ang isang dahilan kung bakit patuloy sa pagdami ang may sakit na dengue ay dahil binibigyan ng pagkakataon ang mga lamok na mabuhay sa paligid. Kailangan ng pakikipagtulungan ng lahat sa mga simpleng gawaing makaiiwas sa sakit na ito.

Una, dapat malaman na ang lamok na Aedes aegypti ay nabubuhay sa malinis na tubig. Palagi dapat sinusuri ang loob at labas ng bahay kung may mga naipong tubig na hindi napapalitan. Kung minsan ay may mga programa rin ang lokal na gobyerno para mapuksa ang mga lamok katulad ng fogging.

Iginiit ng DOH na sa lahat ng mga paraang ito, mahalaga talaga ang pakikiisa ng bawat mamamayan sa komunidad. Ito ang pinakamabisang paraan upang mapuksa ang sakit na ito.