MAGTULUNGAN TAYO

Papasok na ng paaralan ang tatlong mag-aaral. Nakita nila ang nagkalat na mga sanga ng puno sa mahabang daan.

Katatapos lang ng malakas na bagyo at di pa nalilinis ang ilang kalsada.

Pagdating sa paaralan, gayundin ang kanilang nakita. Maputik ang silid at madungis ang pader. Nagkalat ang mga dahon sa buong paligid.

“Halikayo,” tawag sa kanila ng mga kaklase. “Tulungan natin si Gng. Ramos sa paglilinis.”

Mabilis na kumilos ang mga mag-aaral. Tahimik silang tinitingnan ni Gng. Ramos.

“Maraming salamat mga bata. Natatapos agad ang gawain kung nagtutulungan,” sabi niya.