TAGTUYOT HATID NG EL NIÑO

Tagtuyot ang hatid ng El Niño. Dahil dito, bumababa ang water level at nagkukulang sa suplay ng tubig sa mga anyong tubig, gaya ng mga ilog at batis. Nagkukulang din sa suplay ng tubig sa mga imbakan gaya ng La Mesa Dam na matatagpuan sa Lungsod Quezon at Angat Dam sa Bulacan. Ang mga ito ang pinagkukunan ng tubig sa Kamaynilaan at sa mga karatig probinsya nito.

Malaki ang epektong dulot ng El Niño sa buhay ng tao. Kukulangin ang suplay ng tubig na inumin, pati na rin ang gagamiting tubig para sa iba pang pangangailangan.

Hindi lamang tao ang mahihirapan sa epekto ng tagtuyot. Kung kulang ang tubig, magkakasakit ang mga hayop at maaari rin silang mamatay.

Ang tubig ay kailangan din ng mga halaman at kagubatan. Maraming apektadong taniman kung kulang ang patubig. Dahil sa sobrang init, maaaring mag-apoy ang mga puno na nagdudulot ng sunog.

Isang malaking tulong sa panahon ng El Niño ay ang pagtitipid ng tubig. Iwasang aksayahin at gamitin ang tubig sa hindi mahahalagang bagay.