EID-UL-FITR

Islam ang relihiyon ng mga Muslim. Hango sa mga salitang “pagsuko sa Diyos” ang Islam. Itinuturing nila na sumuko sila sa kapangyarihan ng Diyos. Si Allah ang kinikilala nilang panginoon. Ang banal na aklat ng Koran ang gabay nila sa pamumuhay. Ginugunita nila sa Koran ang rebelasyon kay Mohammed na isang propeta ng Islam.

Isang pagdiriwang ng mga Muslim ang Eid-ul-Fitr na isang uri ng pagpapahayag ng pasasalamat. Ang Eid ay isang salitang Arabo na nangangahulugang pagdiriwang samantalang ang Fitr naman ay may pakahulugang wakas ng pag-aayuno. Kaya’t ang Eid-ul-Fitr ang tanda ng wakas ng halos isang buwang pag-aayuno nila sa panahon ng Ramadan.

Nagsisimula ang Eid-ul-Fitr sa paggising sa mga Muslim gamit ang malalakas na tambol. Nagbibihis sila ng magagarang kasuotan. Nagsusuot ng mahabang belo sa mukha ang mga babaeng Muslim. Tinutungo nila ang mosque upang doon manalangin. Habang nagdarasal ay sinasambit nila ang “Allahu Akbar” na may kahulugang “Dakila si Allah.” Sa pagdiriwang na ito ay samasama ang mga Muslim sa buong mundo na tunguhin ang pagkakaisa.