GALING SA JAPAN

Sabik na sabik na si Jose. Darating na kasi ang Nanay niyang si Aling Malou. Dalawang taon ding nawala si Aling Malou. Galing siya sa Japan.

Sumama si Jose sa Tatay niya sa paliparan. Hiniram nila ang lumang jeep ni Tito Boy para makapunta roon. Susunduin nila si Aling Malou.

Pagdating sa paliparan, naghintay pa sila. Hindi pa kasi dumarating ang eroplanong sinakyan ni Aling Malou. Hindi nagtagal, may narinig na tinig si Jose.

“Jose! Lito!” malakas na sigaw ni Aling Malou nang makita ang mag-ama.

“Inay!” sigaw din ni Jose, sabay takbo nang mabilis palapit kay Aling Malou.

“Marami akong pasalubong sa iyo, anak,” simula ni Aling Malou. “May jacket, bag, damit at laruan.”

“Salamat, ‘Nay,” sagot ni Jose. “Pero ang mas gusto ko po, nandito ka na! Kasama ka na namin uli!”