KAPALIGIRAN

Dumaan ang habagat sa Luzon. Nagdulot ito ng pinsala sa tao. Maraming lugar sa Maynila, Pampanga, Quezon, at Aurora ang lumubog sa baha. Nagmistulang malaking karagatan ang mga ito. Lumutang din at natangay ng baha ang tambak na basura. Malaking halaga ang nawala sa libo-libong mamamayan. Maraming pananim ang nasira sanhi ng malakas at patuloy na pag-ulan. Marami ring buhay ang nakitil. Nasira ang mga bahay, tulay, at malalaking gusali. Isang dahilan nito ay ang pagguho ng lupa o landslide.

Maiiwasan sana ang pagguho ng lupa sa mga kabundukan kung isasagawa ng mga tao ang programa ng Kagawaran ng Pangangalaga sa Kapaligiran at Likas na Yaman. Ang muling pagtatanim ng puno sa gubat o reforestation sa mga nakalbong kabundukan ay makatutulong sa pag-iwas ng pagguho ng lupa.

Malaki ang magagawa nating mga kabataan. Iwasan natin ang paggamit ng mga plastik at ang pagtatapon ng basura kung saan-saan.Mag-umpisa tayong maglinis ng paligid at magtanim ng mga puno sa mga bakanteng lupa ng ating bakuran. Gawin itong luntian upang maging maganda ang kapaligiran.