PISTA NG BULAKLAK

Tuwing Pebrero, ipinagdiriwang ang pista ng mga bulaklak sa Lungsod ng Baguio. Kilala rin ito sa tawag na Pista ng Panagbenga. Ang Panagbenga ay salitang galing sa Cordillera na ang kahulugan ay panahon ng pagbukadkad ng bulaklak. Binibigyang halaga sa pistang ito ang naggagandahang bulaklak kung saan kilala ang lungsod na ito.


Nagsimula ang pagdiriwang ng Panagbenga noong 1995. Isinagawa ng pistang ito para maiangat muli ang Lungsod ng Baguio mula sa malagim na lindol noong 1990.


Maraming gawain ang makikita sa pagdiriwang ng Panagbenga. Ang pinakasikat at inaabangang gawain tuwing pista ng bulaklak ay ang parada. Kasama sa paradang ito ay sayawan sa kalsada at pagtugtog ng mga banda. Pinakabida sa paradang ito ang mga higanteng karosa na puno ng mga magaganda at mababangong bulaklak. Sa paggawa ng karosang ito, ipinakikita ng mga Pilipino ang kanilang pagiging malikhain at pagiging matulungin. Ipinaparada ang mga ito sa malalaking kalsada ng lungsod. Maraming mga taong galing pa sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas ang dumadayo sa Baguio upang mapanood ito.