MAY MAGAGAWA BA SA ISANG TAMBAK NG BASURA?

May napapansin ka bang pagbabago sa inyong lugar? Ang dating malinis at malinaw na ilog, marumi na ba ngayon? Ang maayos na mga daan, naging tambakan na ba ng basura?

Sino ang may sala sa mga pagbabagong ito sa ating kapaligiran? Huwag na tayong magsisihan at magturuan. Magtulungan na lang tayo upang hindi lumala ang sitwasyon. Hindi pa huli ang lahat.

Paghiwalayin ang mga basurang nabubulok at di-nabubulok. Ang basurang nabubulok ay maaaring pampataba ng lupa na pagtataniman ng mga halaman. Pumili ng isang lugar at humukay ng pagtatapunan ng basurang nabubulok tulad ng balat ng prutas at tuyong dahon.

Muling magagamit ang ibang basurang di-nabubulok tulad ng mga basyo ng lata, plastic, o bote. Maaaring gawing alkansya o plorera ang mga basyo ng lata. Ang mga sirang bombilya naman ay nagagawang palamuti. Ito ang pagreresaykel o ang paghahanap ng maaari pang gamit ng ating mga itinatapon.

Malaki ang matutulong natin sa pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan sa ganitiong paraan. Bukod dito, kikita pa tayo dahil, “may pera sa basura”.