MGA MAKABAGONG BAYANI

Dulot ng kakulangan ng mga hanapbuhay sa Pilipinas, maraming Pilipino ang naghahanapbuhay sa labas ng bansa. Nagtitiis silang mawalay sa pamilya upang makapaghanapbuhay at may maitustos sa pamilya. Higit sa walong milyong Pilipino ang naghahanapbuhay sa iba’t ibang bansa ngayon. Sila ang tinataguriang Overseas Filipino Workers (OFWs).

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, may 8.5 bilyong dolyar ang ipinasok sa Pilipinas ng mga manggagawang Pilipino na nasa iba’t ibang lugar sa mundo noong 2004. Nakatutulong nang malaki sa kabuhayan ng Pilipinas ang mga ipinadadalang dolyar gayundin sa kani-kanilang pamilya. Bunga nito, ang OFWs ay binansagan na mga bagong bayani ng bayan. Bilang pagkilala sa malaking kontribusyon nila sa ating bansa, pinagkaloooban sila ng ating pamahalaan ng karapatang bumoto kahit sila ay nasa labas ng bansa. Ang Embahada ng Pilipinas sa bansang kanilang pinaghahanapbuhayan ay nagsisilbing sentro ng botohan.

Hindi rin pinagbabayad ng buwis paglalakbay ang mga OFWs. Maaari silang bumili hanggang $2000 sa mga tindahang duty free. Nakahihiram pa sila ng pera para sa pabahay sa ilalim ng PAG-IBIG Overseas Program.

Bukod dito, ang sinumang manggagawang Pilipino na bumalik sa Pilipinas at nagnanais na muling magsilbi sa pamahalaan ay binibigyan ng pagkakataon. Ito ay bilang pagkilala na rin sa kanilang pagkamakabayan.