PAGPAPA-UNLAD NG KULTURA

Ang pagpapaunlad ng kultura ay yumabong nang lumaya ang bansa. Maraming mga tao ang nakapagpasigla ng ating kultura sa larangan ng pelikula, paglilok, literatura, at arkitektura.

Si Manuel Urbano ay kilala bilang Manuel Conde. Bagamat nagtapos siya ng pagiging inhinyero sa Pamantasan ng Adamson, pag-aartista at paggawa ng pelikula ang tinahak niyang landas. Pinakasikat sa mga pelikula niya ang “Genghis Khan.”

Si Alejandro Abadilla ay nakilalang tagapagtaguyod ng malayang taludturan sa pagsulat ng tula. Binago niya ang makalumang pagsulat nito na kailangang may sukat at ritmo. Sa tula niyang “Ako ang Daigdig” ay napatunayan na masining din ang tulang walang sukat at ritmo.

Si Guillermo Tolentino naman ay Pilipinong kilala sa larangan ng paglilok. Kabilang sa kanyang mga likhang-sining ang monumento ni Bonifacio na matatagpuan sa Lungsod ng Caloocan at Maynila at ang “Oblation” sa Unibersidad ng Pilipinas. Nagpapaalala ang mga ito na puno ng pag-asa ang buhay at ng pagmamahal sa kalayaan. Nagpapahiwatig din ito na malulutas ang suliranin at matutupad ang mga mithiin kung hihilingin ito sa Poong Maykapal.