MALIIT NA DUHAT, MALAKING PAKWAN

Nasa likod-bahay si Pido. Pumunta siya sa silong ng punong duhat. Sabi niya, “Ang laki ng punong ito, ang liit naman ng bunga.”

Nakita rin niya sa may taniman ang halaman ng pakwan, “Ang pakwan na gumagapang lamang sa lupa, kay laki ng bunga.” dagdag niyang sinabi. “Mali kaya ang pagkagawa ng Diyos?”

Habang iniisip niya ang tanong sa sarili, biglang nalaglag ang isang bunga ng duhat. “Aray!” sigaw niya. “Tama pala ang Diyos. Kung kasinlaki ng pakwan ang duhat, may bukol ang ulo ko ngayon,” pailing na sinabi ni Pido.