PUNO PA RIN NG BUHAY

Sa kapaligiran ng bansang Pilipinas, marami ang makikitang punong niyog. Kahit saang panig ng bansa, may mga produktong ibinebenta na galing sa puno ng niyog.

Ang niyog ay tinaguriang puno ng buhay. Ang mga bahagi nito mula ugat hanggang dahon ay napakikinabangan. Ang laman ng niyog ay ginagawang buko salad, buko pie at minatamis. Ginagamit din ito bilang sangkap sa paggawa ng arina, mantikilya, sabon, krudong langis, at iba pa.

Natuklasan ni Dr. Eufemio Macalalag, Jr., isang urologist na ang pag-inom ng sabaw ng buko araw-araw ay nakatutulong sa kidney ng isang tao. Nadiskubre rin niya na nakatutulong ang araw-araw na pag-inom nito para maiwasan ang pagkabuo ng bato sa daanan ng ihi (urinary tract). Ginagamit din itong pamalit ng dextrose.

Natuklasan pa na mas maraming protina ang nakukuha sa gata ng niyog kaysa sa gatas ng baka. May 2.08 porsiyento ng protina ang gata samantalang 1.63 porsyento lamang ang sa gatas ng baka. Ang langis ng niyog ay nagagamit din bilang preservative, lubricant, pamahid sa anit, at iba pa.

Ang bulaklak ng niyog ay ginagawang suka at alak. Ang ubod naman ay ginagawang atsara, sariwang lumpiya, at panghalo sa mga lutuing karne o lamang dagat. Pati ang ugat nito ay ginagamit pang panlunas sa iba’t ibang karamdaman.