BOTE DYARYO

Kapag bakasyon, maraming bata ang nag-iisip kung paano kikita ng pera.

Nagtitinda ng dyaryo si Luis tuwing umaga. Nilagang mais at saging naman ang itinitinda ni Karen.

“Luis, magkano ang kinikita mo sa pagtitinda ng dyaryo?” tanong ni Karen.

“Humigit-kumulang sa isandaang piso araw-araw,” sagot ni Luis. “Ibinibigay ko kay Nanay ang kalahati at inihuhulog ko sa alkansya ang natitira,” dugtong pa niya. “Ikaw, magkano ang kinikita mo?” tanong ni Luis kay Karen.

“Katulad mo rin. Nakapagbibigay din ako kay Inay at nakapag-iipon pa ako,” sagot ni Karen.

“Dyaryoooo! Boteee!” ang sigaw ng isang binatilyo na may tulak ng kariton.

“Malaki rin siguro ang kinikita ng namimili ng bote at lumang dyaryo, ano,?” tanong ni Karen. “Tiyak iyon,”sagot ni Luis.

Para sa mga batang ito, ang marangal na gawain ay dapat ipagmalaki.