BIYAYA NG BULKAN

Isa sa mga ipinagmamalaking bulkan sa bansa ang Bulkang Mayon na matatagpuan sa Albay. Tanyag ang bulkang ito dahil sa taglay nitong halos perpektong hugis apa. Dinarayo ito ng mga dayuhang bisita, maging ng mga kapwa Pilipino.

Sinasabing ang Bulkang Mayon ang pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas dahil sa dalas ng pagsabog nito. Pinakamatindi ang pagsabog nito noong Pebrero 1, 1814, kung saan ang mga bayan sa paligid nito ay natabunan at mahigit sa 1200 katao ang namatay. Maraming nasirang bahay sa paligid ng bulkan, pati na rin ang malaking simbahan ng Cagsawa. Ang natitirang alaala na lamang ng simbahan na ito ay ang tore nito na makikitang malapit sa bulkan.

Bagamat mapanganib ang Bulkang Mayon, isa rin naman itong biyaya sa mga naninirahan malapit doon. Ang mga umagos na lupa at abo sanhi ng mga pagsabog ay nagsilbing pataba pagkalipas ng ilang taon.

Bilang patunay, itinuturing ang Albay na isa sa mga may mayayamang lupang sakahan sa rehiyon ng Bicol. Sa mga lupang sakahang ito nagbubuhat ang mga produktong abaka, niyog, palay at gulay.