BUHAYIN ANG KABUNDUKAN

Ang mga kabundukan ay isa sa magagandang tanawin sa ating kapaligiran. Taglay nito ang mga punungkahoy na nagbibigay ng ating mga pangangailangan. Makikita rito ang sari-saring mga halaman na nakalulunas ng ibang karamdaman, mga orkidyas, mga ligaw na bulaklak at mga hayop.

Ang mga punungkahoy at iba pang halaman ay tumutulong sa pagpigil ng erosyon o pagguho ng lupa dulot ng ulan o baha. Nagsisilbi rin itong watershed para sa sapat na pagdaloy ng tubig.

Subalit marami sa mga kabundukan natin ang nanganganib. Ang dating lugar na pinamumugaran ng mga ibon at mga ligaw na bulaklak ay unti-unti nang nasisira. Dahil sa patuloy na pagputol ng mga punungkahoy, marami na ang nagaganap na mga kalamidad tulad ng biglaang pagbaha sa iba’t ibang pook.

Sa pangunguna at pakikipagtulungan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang ahensya ng bansa na tumutugon sa pag-aalaga ng kapaligiran at kalikasan, ang pagkasira ng kabundukan ay nabigyan ng solusyon. Ang reforestation o muling pagtatanim ng puno kapalit ng mga pinutol o namatay na mga puno ay isa sa mga programa ng DENR. Maraming tao ang natuwa dito at inaasahan nila na darating ang panahon na manunumbalik ang kagandahan at kasaganaan ng mga kabundukan.