ANG PUERTO PRINCESA UNDERGROUND RIVER

Ang Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) ay makikita sa Palawan. Ito ay matatagpuan sa hilagang kanlurang bahagi ng Puerto Princesa.

Ipinakikita sa tanyag na pook na ito ang mga higanteng limestone na nasa kuwebang pinalolooban ng ilog. Iba’t ibang kamangha-manghang hugis ang nabuo mula sa mga limestone sa loob ng kuweba. Ang ilog ay tinatayang 8.2 kilometro ang haba at ito ay tumutuloy sa dagat. Ang kagandahan nito ang dahilan kung bakit nakilala ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa Pitong New Wonders of Nature.

Makikita sa paligid ng ilog ang kabundukan at kagubatan. Ang makapal na kagubatan ang nagsisilbing tahanan ng ilang hayop na pambihira at endangered. Sa baybayin naman nito makikita ang halamang bakawan at mga coral reefs.

Mula nang maitalaga ang Puerto Princesa Underground River bilang isa sa Pitong New Wonders of Nature, dumami na ang mga taong gustong makita ito, maging Pilipino man o dayuhan.

Maliban sa pagsakay sa bangka upang makita ang limestones sa loob ng kuweba, marami pang maaaring gawin dito na ikasasaya ng mga turista. Kinagigiliwan ng mga bisita rito ang jungle trekking, wildlife watching, mangrove forest tour at ang paglangoy sa tabing-dagat na puti ang buhangin.