POPULASYON

Ang usapin ng populasyon ay mahalaga para sa pag-unlad ng isang bansa. Ang mabilis na paglaki ng populasyon ay kritikal sa madaling pagkaubos ng likas na yaman. Kung ang likas na yaman ay isa sa pangunahing batayan ng pag-unlad ng isang bansa, ang malaking populasyon ay nangangahulugang maramihang paggamit sa likas ng yaman. Nangangahulugan ito ng mabagal na pag-unlad. Marami ang naniniwalang ang malaking populasyon ng Piipinas ang sanhi kung bakit karamihan sa Pilipino ay naghihirap.

Dahil sa malaking populasyon, hindi na matugunan ng pamahalaan ang pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan. Kabilang dito ang pagkain, tirahan, pananamit, edukasyon at kalusugan.

Marami rin ang walang hanapbuhay kung kaya’t nangingibang-bansa sila kung saan mas malaki ang kita. Bagamat malaki ang naitutulong ng Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa kanilang dollar remittance, napakalaking pagtitiis ang mawalay sa pamilya para lamang matugunan ang pangangailangan nito.

Ang iba naman ay nakikisangkot sa iligal na gawain tulad ng pagnanakaw, pagbebenta ng iligal na droga at iba pang krimen. Ang krimen na dulot ng matinding kahirapan ay hadlang din sa pag-unlad ng ekonomiya dahil sa kawalan ng seguridad sa lipunan. Nagiging dahilan din ito upang mabigong mahikayat ang mga dayuhan na mamuhunan sa ating bansa.