IMPERYO
Noong sinaunang panahon, ang pag-aalitan ng iba't ibang lungsod ay nauwi sa pananakop ng pinakamahusay at pinakamalakas na lahi. Dito nagsimula ang pagtatatag ng imperyo.
IMPERYALISMO
Sa panahong ito, ang imperyalismo ay tumutukoy sa pagpapalawak ng isang teritoryo sa pamamagitan ng pagsakop sa iba pang teritoryo. Dito, ang mga namumuno ay nagtatag ng mga batas, paniniwala, pagpapahalaga, at kaisipan sa kani-kanilang teritoryo. Ito ay kanilang isinasagawa upang mahikayat ng mga pinuno ang kalakhang populasyong kanilang nasasakupan na makiisa sa pamunuang kanilang kinabibilangan sa paghahangad na mapagtagumpayan ang paglilinang ng kabihasnang nakaayon sa kapakinabangan ng teritoryo.
Napag-aralan mo sa nakaraang aralin ang ilan sa mga ideyang ginamit ng mga sinaunang Asyano sa kanilang pamumuno. Alin sa mga ideyang ito ang sa iyong palagay ay nakapag-iwan ng mahalagang tatak sa kasalukuyang kabihasnan?
Ang nabuong kabihasnan ng mga Asyano ay bunga ng kanilang mga tradisyon, kaisipan, at sinaunang pananaw. Ang kaisipang ito ang naging gabay ng mga Asyano sa paglinang ng kanilang pamahalaan, kabuhayan, teknolohiya, lipunan, edukasyon, paniniwala, pagpapahalaga, sining at kultura. Ito ay nakakatulong upang matamo ng mga Asyano ang mataas na moralidad at makasanayang mamuhay sa lipunang nakabatay sa makatarungang paniniwala. Higit sa lahat, ang mga kaisipan at pilosopiya ring ito ang gumising sa isipan ng mga Asyano upang malinang ang kahanga-hangang pagbabago sa lahat ng aspekto ng kanilang pamumuhay.