MESOPOTAMIA: KABIHASNANG SUMER NG SINAUNANG MESOPOTAMIA
Ang mga Sumerian ang mga pangkat ng sinaunang taong nanirahan at nagtatag ng kanilang mga lungsod-estado sa masaganang lupain ng Sumer, sa katimugang bahagi ng Fertile Crescent, may 5,000 taon na ang nakararaan. Ang Ur ang kinikilalang pinakamatandang lungsod-estadong nalinang ng mga Sumerian.
Theocracy ang uri ng pamahalaang Sumerian. Ito ay tumutukoy sa pamahalaang nasa ilalim ng pamumuno ng puno ng simbahan. Karaniwang nasa sentro ng mga lungsod-estado ang templo na pinangangasiwaan ng isang patesi, ang pinunong pari ng mga Sumerian. Bilang tagapangasiwa ng lungsod-estado, ang patesi ay siyang namamahala sa pagpapagawa ng sistemang irigasyon at iba pang proyekto. Siya rin ang pinakamakapangyarihang tagapamagitan ng tao sa kinikiiala nilang Diyos.
Binubuo ng apat na antas ng tao ang lipunang Sumerian. May Pinakamataas na katayuan sa lipunan ang mga pari at hari. Kasunod naman ang mga artisano. Ang mga magsasaka ang bumubuo ng ikatlong antas, samantalang ang mga alipin maaaring nabihag sa labanan o ipinagbili bilang kabayaran sa pagkakautang, ang nasa pinakamababang antas.
Polytheism ang uri ng pananampalataya ng mga Sumerian. Tumutukoy ito sa pananampalataya sa higit sa iisang diyos. Si Anu ang pinaniniwalaan nilang Diyos ng kalangitan; si Enlil ang Diyos ng mga ulap at hangin; at si Ea ang Diyos ng tubig at baha. Matibay ang kanilang pananalig na ang kanilang mga Diyos ay ganap na makapangyarihan at walang kamatayan, at kaya ng mga itong maghasik ng pinsala sa sandaling ang mga ito ay magalit.
Upang payapain ang kanilang mga Diyos, itinayo ng mga Sumerian ang ziggurat. Ang ziggurat ay templong tore na animo'y piramide. Ito ay mayroong templo sa tuktok kung saan idinaraos ang pag-aalay ng mga kambing at tupa bilang paraan ng kanilang pagsasakripisyo at pagpapakita ng paggalang sa kanilang mga Diyos. Ang ziggurat ay karaniwang matatagpuan sa sentro ng pamayanan.
PAG-AALAY NG KAMBING AT TUPA
CUNEIFORM
Ang mga Sumerian ang nakalikha ng sistema ng pagsusulat na tinawag na cuneiform. Ito ang itinuturing na pinakaunang uri ng pagsulat, na binubuo ng higit sa 500 mga pictograph at mga simbolo na nakasulat sa tabletang luwad gamit ang stylus. Ang mga Sumerian din ang unang lumikha ng tanso, at nakaimbento at gumamit ng gulong. Sila rin ang unang naglinang ng pamahalaang lungsod-estado.
SIMBORYO O DOME
Sa mga Sumerian din nagmula ang ilang mahahalagang elementong pang-arkitektura, tulad ng mga pabilog na bubungan na may hugis simboryo (dome) at mga arko (vault). Sila rin ang nagpasimulang gumamit ng kalendaryong lunar, na binubuo ng labindalawang buwan at dinagdagan pa ng ikalabintatlong buwan upang umayon sa kanilang panahon. Galing din sa mga Sumerian ang ilang sistema sa algebra at ang sexagesimal system kung saan nababatay sa numerong 60 ang bawat oras, minuto, at segundo.
Paghukay sa Ur sa Pangungusap ni Leonard Woolley
Ang paghukay sa Ur ay pinangunahan ni Leonard Woolley, sa ilalim ng panukala ng museo ng Britain at iba pang unibersidad sa United States. Nabuksan ni Woolley ang malaking bahagi ng kinalulugaran ng lungsod ng Ur at kanyang inihayag ang mga natuklasan dito.
Ang labi ng ziggurat kung saan natagpuan ang maraming buto ng tao at mga kopita na maaaring ginamit sa pag-inom ng alak.
Mahigit sa 2,000 tableta ng sanggunian o talahanayang pangmatematika, tekstong panrelihiyon, at kopya ng inskripsiyon ang natagpuan sa animoy museo o silid-aralang bahaging ito ng Ur.
Ipinakikita ang isang tekstong pang-geometry mula kay Tell Harmal. Tinatayang ang guro marahil ay nagngangalang Imgil Sin. Ito ay sa dahilang ang karamihan ng natagpuang liham sa pook na ito ay nakapatungkol sa kanyang pangalan.
Hanapin sa Internet ang mga sumusunod na artikulo para sa higit pang impormasyon: