SINAUNANG MESOPOTAMIA: KABIHASNANG AKKADIAN, BABYLONIAN, ASSYRIAN AT CHALDEAN NG MESOPOTAMIA
Ang mga Assyrian ay kabilang sa mga nandayuhang Semitikong pangkat sa ilog-lambak ng Tigris at Euphrates. Bunga ng kanilang nakapaloob na panirahang lupain, kinailangang makidigma ng mga Assyrian sa mga kalapit na lungsod-estado upang mapanatiling bukas ang kanilang daanang pangkalakalan. Dahil sa kasanayan sa pakikidigma at superyor na sandata, matagumpay na napabagsak ng mga Assyrian ang mga Hittite at itinatag ang lungsod-estado ng Assur, ang sentro ng kabihasnang Assyrian. Kinilala ang mga Assyrian bilang pinakamalupit, pinakmabagsik, at pinakamapanghamok sa lahat ng sinaunang pangkat ng tao.
Ang kultura ng mga Assyrian ay pinaghalong kultura ng mga Sumerian at Babylonian. Ang wikang Assyrian ay nakasulat sa cuneiform. Hiniram din nila ang relihiyon ng mga Sumerian at idinagdag si Ashur bilang pangunahing Diyos. Ang mga Assyrian ang nagpasimula ng pinakamabisang sistema ng pamahalaan sa daigdig.
Si Tiglath-Pileser I ay ang kaunaunahang dakilang mandirigma ng mga Assyrian. Nasaklaw ng kaharian ng Assyria ang mula sa Mediterranean Sea hanggang sa pinakahilagang bahagi ng Turkey sa ilalim ng kanyang pamumuno. Nang mamatay si TigIath-Pileser l, ang mga Assyrian ay pinamunuan ng ilan pang mga pinuno na si Assurbanipal, ang pinakatampok dahil higit pa niyang pinalawak ang Imperyong Assyrian.
Kinilala si Assurbanipal bilang malupit at marahas, ngunit napakahusay na administrador. Napagbuklod niya ang magkakahiwalay na lungsod-estado na kanyang nasasakupan. Ito ang nagpasimula ng pagtamlay sa pagtatag ng imperyo at paglaho ng mga lungsod-estado. Ipinaayos niya ang mga lansangan sa mga lupain upang mapaunlad ang kalakalan at mapadali para sa kanyang hukbo ang pagkilos at pagtugon sa kanyang mga utos.
Dahil sa maayos na pamamahala ni Assurbanipal, natamo ng mga ang Assyrian ang tugatog ng kapangyarihan at tagumpay. Sa loob ng panahong ito, ang Nineveh, na kabisera ng Imperyong Assyrian, ay kinilala bilang simbolo ng kalupitan at katayugan ng mga Assyrian.