Ang transisyon mula sa pangangaso at pagtitipon ng pagkain ng tao ay naganap sa maraming iupain ng daigdig. Ito ay patunay na ang tao ay nandayuhan sa iba't-ibang bahagi ng daigdig. Nagpunyagi ang mga sinaunang tao na mandayuhan sa Kanlurang Asya at Hilagang Asya hanggang sa makarating sa Silangang Asya, Timog Asya, at Timog-silangang Asya.
Ang mga unang paninirahan sa daigdig ay nagsimula sa matataas na lambak na karaniwang matatagpuan sa tabi ng mga anyong tubig. Ang Jarmo na nayon ng Iraq at ang Catal Huyuk na kasalukuyang nasa Turkey ay ilan lamang sa mga halimbawa ng mga lungsod-estado. Sa mga lupaing ito, nagsimula ang panibagong panahon na naglatag ng pundasyon sa makabagong pamumuhay.
Ang Catal Huyuk ay isang bayan noong Panahong Neolithic. Ang kaayusang natagpuan ng mga siyentista sa bayang ito ay walang palatandaan ng mga lansangan ngunit may malinaw na ebidensiya ng mga tirahang gawa sa ladrilyong magkakadikit sa isa't isa. Ang daanan papasok sa mga tirahang gawa sa ladrilyo ay sa pamamagitan lamang ng butas sa bubong nito. Ang Catal Huyuk ay matatagpuan sa pagitan ng dalawang bulkan at tinatayang kilala sa mga gawa sa mga batong galing sa bulkan na gmamit sa pagbuo ng mga alahas, salamin, at mga kutsilyo.
Natagpuan din sa archeological dig na ito ang mga pinta sa dingding ng mga panirahan na karaniwang naglalarawan ng mga hayop, tagpo ng pangangaso, pumuputok na bulkan, at mga mangangasong nagkakatay ng mga ligaw na hayop. Bukod dito, nakatagpo rin ang mga siyentista sa pook ng mga artifact tulad ng mga butil na bato, gilingang yari sa bato, tanso, at mga pigurin ng mga napakatatabang babae.