Ang mga Martial Emperor
NANG MAGING EMPERADOR ANG APO NI LIU PANG NA SI WU-TI
Nang maging emperador ang apo ni Liu Pang na si Wu-ti, ipinagpatuloy niya ang pamamahalang sentralisado at pinalawak ang imperyo sa pamamagitan ng pakikidigma. Matagumpay niyang napaalis ang mga nomad na Xiongnu na umaaligid sa bahaging hilagang-kanluran ng China. Mula rito ay sinimulan niya ang pananakop sa Manchuria, Korea, at katimugan ng China. Dahil dito, siya ay tinawag siya na Martial Emperor. Sa pagtatapos ng kapangyarihan ni Wu-ti ang kanyang imperyo ay umabot hanggang sa kasalukuyang hangganan ng China.
Nagkaroon din ng pagbabago sa lipunang Han ng mga panahong ito. Itinakda ni Wu-ti na ang Confucianism ang opisyal na ideyolohiya ng kanyang pamahalaan. Bilang pagkilala sa ideolohiyang ito, nagpatayo si Wu-ti ng pambansang unibersidad na siyang namahala sa pagtuturo ng "Five Classics" at iba pang dakilang sulatin ni Confucius. Sinunod din ng panahong ito ang pagbibigay ng civil service examinations na siyang naging batayan sa pagtanggap ng mga kawani sa pamahalaan. Bukod sa mga pagbabagong nabanggit ang panahon ng Han ay nakapaglinang din ng mga pagbabago sa edukasyon, teknolohiya, agrikultura, kalakalan, at iba pa.
Sa kabila ng mga pag-unlad sa imperyo, ang Dinastiyang Han ay naharap pa rin sa isang matinding suliranin: ang pagkakaroon ng hindi pantay na pamumuhay sa pagitan ng mahihirap at mayayaman. Ayon sa tradisyong Tsino, ang lupain ng isang pamilya ay kinakailangang hatiin sa mga anak na lalaki bilang pamana. Sa kaso ng mahihirap na magsasaka, paliit nang paliit ang naipamamana nila sa kanilang mga anak na lalaki dahil hindi sila nakabibili ng maraming lupain. Ito ang nagpasimula ng napakalayong agwat sa pagitan ng mahihirap at mayayaman. Dahil sa pangyayaring ito, ang kapayapaan sa imperyo ay muling nagambala at unti-unting nauwi sa pagwawakas ng kapangyarihan ng mga Han.