Sa katotohanan, ang kaisipang mababang kalagayan ng kababaihan sa lipunang Tsino ay gawa lamang ng ilang pilosopiyang nagpalala sa kalagayan nila sa lipunan. Sa kabila ng pagbibigay-diin ni Confucius sa kapangyarihan ng ama at pinakamatandang kapatid na lalaki sa pamilyang patriarchal, hindi naman niya tuwirang binanggit na kinakailangang maliitin ang kakayahan ng kababaihan. Ang bagay na ito ay pinalala lamang ng mga tradisyong naisalin sa sumunod na mga henerasyon sa pamamagitan ng mga gawi at salita. Bukod dito, mayroon din namang mga manunulat na nagpahiwatig ng kanilang kaisipan tungkol dito.
Noong panahon ng Dinastiyang Sung, ang kaisipang ito ay higit pang pinagtibay ng mga ideyang dala ng mga Mongol sa China kagaya ng katapatan at pagsamba sa asawa ng kababaihang Tsino. Ito ang nagpasimula ng kaugaliang pagtali sa paa o footbinding ng kababaihan upang ito ay mapanatiling maliit. Ito ay isinasagawa upang maging mahirap para sa isang babae na lumabas ng tahanan at hindi makuhang makipagtalik kaninuman. Noong panahong ito, umusbong din ang ideyang pagbebenta ng mga walang halagang anak na babae. Itinuturing ang mga itong malaking pagkakamali sa pagtrato sa kababaihan.