Maunlad na Kasanayang Teknikal
Mula nang matutuhan ng mga tao ang pagsasaka at paghahayupan, naiangat nila ang kanilang kalagayan mula sa buhay-pangangaso at pag-iimbak ng pagkain tungo sa pagpaparami at pagpapalago ng pagkain at likas na yaman. Palibhasa'y likas na malikhain, natutuhan din ng mga taong gumawa ng mga ang paggamit ng higit na matibay na metal, ang bronze. Ito ay sinundan ng bakal, na higit na matigas at mainam. Ang mga kagamitang gawa sa mga metal na ito ay natuklasang gamit na ng mga tao sa sinaunang kabihasnan ng Tigris at Euphrates, Huang Ho, at Indus.
Matatag na Pamahalaang may maunlad na Batas at Alituntunin
Sa kabila ng masaganang kabuhayang alay ng mga ilog ng Tigris at Euphrates, Indus, at Huang Ho, may mga panahon din namang naging mapaminsala ang mga ito. Ang pagapaw ng mga ito ay nagdulot ng labis na pagbaha na nakasira ng mga pananim at ikinabuwis ng buhay ng tao. Gayundin, ang kawalan ng ulan ay naging dahilan naman ng labis na tagtuyot. Bunga nito, kinailangan ng mga taong gumawa ng mga dike at kanal upang mapigilan ang pagbaha, magkaroon ng patubig, at maipagpatuloy ang kanilang pagsasaka sa panahon ng tagtuyot. Marahil, naisip ng mga tao na ang proyektong ito ay nangangailangan ng masusing pagpaplano. Dahil dito, Sila ay bumuo ng isang pamunuan na siyang mangangasiwa sa mga proyektong ito. Ito ang nagpasimula ng isang sistema ng pamahalaan na may pamunuang nagagabayan ng mga batas at alituntuning kailangang sundin. Ang pamunuang ito ay lumaki at nagmistulang isang pamayanang may sariling pamahalaan. Ito ang nagpasimula ng mga lungsod-estado. Ang lungsod-estado ay isang sistemang pampolitika na binubuo ng isang malayang lungsod na nakapanghahari sa nakapalibot nitong lupain.
Dalubhasang Manggagawa
Ang ilang pangkat ng tao ay naging bihasa sa paggawa ng mga armas at kagamitang pambahay na gamit nila sa pang-araw-araw na pamumuhay. Hindi naglaon, ang iba pang pangkat na naninirahan sa mga lungsod-estado ay naging mga artisano o mga manggagawang may kasanayan sa paglikha ng mga bagay-bagay tulad ng mga alahas, mga kagamitang metal, at iba pang kagamtan na nagging daan upang ang kanilang mga lungsod ay maging sentro ng kalakalan.
May Sistema ng Pagtatala
Sa pag-unlad ng mga lungsod napag-isipan ng mga tao ang kahalagahan ng pagtatala ng mahahalagang bagay na nagaganap sa kanilang lipunan. Kinailangan nilang itala ang mga buwis, batas kalendaryo ng mga ritwal, kaganapan at mga kuwentang kailangan ng mga mangangalakal. Sa pag-usad ng panahon, natutuhan din ng sibilisasyong mpglinang ng sistema ng pagsusulat at iba pang uri ng pagtatala.
Ang mga Sinaunang Kabihasnang Asyano sa Fertile Crescent
Ang Fertile Crescent tumutukoy sa nakalatag na matabang pagitan ng Tigris at Euphrates River. Ito ay nakalatag nang paarko mula sa Persian Gulf hanggang sa Mediterranean Sea. Sakop ng lupaing ito ang Israel, Lebanon, Jordan, Syria, at Iraq. Ang Mesopotamia o lupain sa pagitan ng dalawang ilog ay naging lunduyan ng mga sinaunang kabihasnan ng mga Sumerian, Akkadian, Babylonian, at Assyrian. Sa ngayon, ang kabuuan ng ilog-lambak ay bahagi na ng Iraq.