SINAUNANG MESOPOTAMIA: KABIHASNANG AKKADIAN, BABYLONIAN, ASSYRIAN AT CHALDEAN NG MESOPOTAMIA
Noong 612 BCE, magkatulong na iginupo ng mga Indo-European, Medes, at Semitic Chaldean ang mga Assyrian sa pamumuno ni Nabopolassar, isang rebeldeng gobernador ng Babylonia. Sa pagbagsak ng Nineveh, muling bumangon ang kabihasnang Babylonian. Nang mamatay si Nabopolassar noong 605 BCE, siya ay pinalitan ni Nebuchadnezzar, ang pinakatanyag na pinuno ng mga Chaldean.
Sa pamumuno ni Nebuchadnezzar, nilusob ng mga Chaldean ang Jerusalem. Sa loob ng mahabang panahon ng pakikihamok (586—570 BCE.) nabihag ng mga Chaldean ang libo-libong Jew at dinala ang mga ito sa Babylonia bilang mga alipin. Ang pangyayaring ito ay tinaguriang "Babylonian Captivity."
Sa kanyang pamumuno, nagpatayo si Nebuchadnezzar ng mga estrukturang kapakipakinabang. Ang mga kanal at dike ay kaagad niyang ipinaayos upang maiwasan ang pagbaha, gayundin ang mga lansangan at tulay upang maging madali ang paglalakbay ng mga mangangalakal. Pinagawan din niya ng tanggulan ang kabuuang Babylon na natatarangkahan ng tanyag na Ishtar gate.
Muli rin niyang pinagningning ang Babylon, ang kapital ng Babylonia, sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga templo at palasyo. Ang kanyang ipinagawang Hanging Garden of Babylon ay itinatanghal sa kasalukuyan bilang isa sa “Seven Wonders of the Ancient World.”
NABOPOLASSAR
Ang mga Chaldean ay tinaguriang "Stargazers of Babylon" dahii sa pagkahilig nila sa astronomiya. Naging gawi na ng mga Chaldean na itala ang galaw ng mga bituin at konstelasyon. Ito ang nagbigay sa kanila ng kaisipan at paniniwala na naiimpluwensiyahan ng mga bituin at konstelasyon ang buhay at kapalaran ng tao. Dahil dito natutuhan ng mga Chaldean ang manghula ng kinabukasan ng tao. Sa kanila nagmula ang kaalaman tungkol sa labindalawang simbolo ng zodiac.
BITUIN AT KONSTELASYON