KABIHASNAN SA FERTILE CRESCENT: ANG SINAUNANG PERSIA AT ANG EPEKTO NITO SA SINAUNANG MESOPOTAMIA
Ang mga Persian ay nagmula sa lupaing Persia, ang bansang Iran sa kasalukuyan. Si Cyrus the Great ang unang namuno sa mga Persian. Sinimulan niya ang pananalakay noong 550 BCE at matagumpay niyang nasakop ang Babylon, ang kabuuan ng Fertile Crescent at ang buong Kanlurang Asya mula sa Aegean patungo sa hangganan ng Egypt. Natamo ni Cyrus the Great ang paggalang ng kanyang mga nasasakupan, bagama't may iba't-ibang gawi at paniniwala ang mga ito. Bunga ito ng kanyang mapagbigay at mapagpaubayang pamamaraan ng pamumuno. Pinayagan niya ang anumang relihiyong nais na paniwalaan ng kanyang mga nasasakupan. Pinairal din niya ang pantay na pagpapatupad ng batas at alituntunin sa mga ito. Higit sa lahat, pinalaya niya ang mga Jew sa kanilang pagkaalipin at pinahintulutang makabalik sa Palestine.
Nang mamatay si Cyrus the Great, siya ay pinalitan ng kanyang anak na si Cambyses na nagdugtong ng Egypt sa imperyo. Matapos ang ilang panahon, si Cambyses ay pinalitan ni Darius the Great. Muling pinalawak ni Darius ang imperyo hanggang sa umabot ito sa timog at silangang rehiyon ng Iran, lambak ng Indus sa India, kanlurang silangang bahagi ng Europe, hanggang sa hilaga ng Black Sea at Caspian Sea. Bunga nito, ang mga Persian ay kinilala bilang pinakamakapangyarihang imperyo ng sinaunang kabihasnan.
Bukod sa pagiging mahusay na mandirigma, kinilala rin si Darius the Great bilang isang magaling at bihasang tagapangasiwa ng imperyo. Upang mapagkaisa ang kanyang nasasakupan at mapadali ang transportasyon at komunikasyon, ipinagawa ni Darius the Great ang lansangang nagdurugtong sa mga lungsod na saklaw ng kanyang imperyo. Ang lansangang ito na nagmumula sa lungsod ng Susa sa Persia at nagtatapos sa Sardis ng Anatolia ay tinaguriang Royal Road. Ipinag-utos din niya ang pagpapagawa ng kanal mula sa Nile River patungong Red Sea upang magsilbing daanan mula sa Persia patungong Egypt. Pinasigla ng mga pagbabagong ito ang kalakalan sa buong imperyo.
NILE RIVER
Upang mapatatag pa ang kanyang kapangyarihan, hinati-hati ni Darius the Great ang kanyang imperyo sa dalawampung lalawigang tinawag niyang satrapy. Ipinamahala niya ang bawat isang lalawigan sa mga gobernador na tinawag naman niyang satrap. Tulad ni Cyrus the Great, si Darius the Great ay naging mapagparaya rin sa usapin ng relihiyon. Iniwasan niya ang pakikialam sa anumang gawi, paniniwala, at pananalig ng kanyang nasasakupan. Ngunit upang matiyak ang kaligtasan ng kanyang pamumuno, siya ay nagtalaga ng mga inspektor sa bawat Ialawigan bilang mga "mata at tainga ng hari" na siyang nagmamanman sa kanyang mga itinalagang satrap sa bawat lalawigan.
Bilang pagpapakilala ng kanyang lubos na pagmamalasakit sa imperyo, pinasigla ni Darius ang kalakalan at pinasimulan ang paggamit ng salaping barya o coinage na yari sa ginto at pilak. Ito ay batay sa salaping barya ng mga Lydia, pangkat ng mga taong naninirahan sa Kanlurang Anatolia sa Turkey. Pinalaya at pinauwi rin niya ang mga bihag na nahuli dahil sa ginawang pagkakasala at pinayagan ang mga Jew na muling magtayo ng panibagong templo at pader sa Jerusalem. Bunga ng kanyang matagumpay na pamumuno, si Darius the Great ay itinanghal bilang "Hari ng mga hari".
Nang mamatay si Darius the Great, ang imperyo ay pinamunuan ng kanyang anak na si Xerxes. Ngunit taliwas sa pagpapahalagang ipinalaganap ng kanyang ama at ni Cyrus the Great, ang pamumtuno ni Xerxes ay nabahiran ng katiwalian at hindi makatarungang pamamalakad. Bunga nito, kasabay pa ng hindi inaasahang sabwatan mula sa kanyang pamilya at mga rebeldeng satrap unti-unting kumalas ang mga lungsod sa imperyo hanggang sa ang mga ito bumagsak sa kamay ng higit pang mas malakas na mandirigmang si Alexander the Great.
Ang ilang bahagi ng Imperyong Persia ay pinanirahan ng dalawang pangkat ng tao na nagkaroon ng malaking impluwensiya sa makabagong daigdig. Ang mga Phoenician ang umokupa sa teritoryong kilala sa kasalukuyan bilang Lebanon at Syria at ang mga Hebrew naman ay nanahan sa Palestine na ngayon ay nahahati sa Israel at Jordan.